
SA bilis ng pagbibilang ng boto sa bisa ng automated counting machine, sa maghapon ngayon, tiyak nang may naproklama nang kandidato.
Siyempre pa, unang ipinoproklama ang mga walang kalaban na maaaring umatras o napatay ang kanilang mga kalaban.
‘Yung iba === kapag daan-daan o libo-libo na ang lamang ng isang kandidato sa pinakadikit na kalaban at kakaunti na lang ang hindi pa nabibilang na boto, inihahanda na ng mga Commission on Elections officers ang mga pirmadong proclamation document at agad na nagpoproklama.
Sa mga dikitan ang laban at may mga plurality vote kung tawagin ang mananalo, gumagawa ang mga nangunguna ng paraan upang hindi makaalis ang proclamation officer para magproklama agad anomang oras.
Pagkatapos ng mga mabilisang proklamasyon, maghabol na ang maghabol.
May mga lugar namang tapos na bilangan ng boto, wala pa rin ang proclamation officer at kailangan pang hanapin at suyuin para magproklama.
Rason karaniwan dito, baka may maghain ng protesta kaagad na dapat tingnan agad.
Anak ng tokwa, kailangan pang hilutin iyon para magtaas ng kamay ng nanalo bagama’t ligal din ang katwirang “baka may maghain ng protesta.”
Hehehe!
SENIORS, BUNTIS, PWD, ETC.
Mabuti’t pinauna talaga ang mga senior citizen, buntis, people with disabilities at iba pa na bumoto mula alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng umaga.
Sinunod talaga ito ng mga board of election inspectors.
At siyempre pa, nagkaroon ng mga drama na tanggap naman ng karamihan.
May escort ang bawat senior, buntis at PWD na bata pa at kasama na sa mga bumoto.
Pagkatapos ng alas-7:00, isinisingit-singit na lang ang mga senior sa pila at hindi na sila talaga priority.
Ito ang hindi alam ng iba at pinaniwalaan nilang lahat ng oras mula alas-7:00 ng umaga hanggang sa katapusan ng botohan, eh, sila pa rin ang uunahing bumoto.
Maliban na lang kung naka-wheelchair, klarong si San Pedro ang escort at iba pa mabibigyan ng atensyon ang senior, buntis at PWD.
HATI-HATING CLUSTERED PRECINCT
Gaya ng dati, may mga nahirapan sa paghahanap ng kanilang mga pangalan.
Pero sa karanasan, mga Bro, ng mga bumoto kahapon, isa sa mga dahilan ang pagkahati-hati ng mga clustered precinct at inilagay sa magkakaibang mga gusali o kwarto o floor ng mga eskwela.
Hindi sapat na lalabas ang pangalan sa precinct finder.
Kailangan mo talagang pumunta sa lugar upang hanapin kung saan ka boboto dahil pinaghihiwa-hiwalay ang iisang presinto.
Halimbawa ang karanasan ng iba na nagsabing nasa presinto A sila lahat noon sa iisang precinct number. Ngayon, ‘yung isa, nanatili sa presinto A habang ang iba, nasa presinto B at C na matatagpuan sa iba’t ibang gusali o kawarto o floor.
MAPAYAPA
Bibihira lang ang mga lugar na nagkaroon ng mga gulo gaya ng pagpatay sa isang babaeng titser sa Barangay Sumagdang, Isabela City, Basilan at pagpatay sa apat katao sa bayan ng Hadji Mohammad Ajul sa Basilan din.
Naganap lahat ito nitong araw ng Linggo.
Sana naman, wala nang kasunod pa.