
DATI-RATI, makapangyarihan ang Santo Papa at maging mga hari o pangulo ng mga bansa o imperyo, yumuyuko rito at sinusunod ang mga kagustuhan nito.
Sa lahat ng sugo, ang Santo Papa kasi ang pinaniniwalaang pinakasugo ng Diyos na pinaniniwalaang pinakamakapangyarihan sa lahat at may likha ng langit at lupa.
Sa parte ng mga Katoliko at nakararaming Kristiyano, siya umano ang pumalit kay Pedro na nagpapatuloy ng mga gawa ni Kristong Diyos sa Lupa.
Nagsimulang maging alangan ng pagkilala sa Santo Papa bilang pinakamakapangyarihan sa pinagsamang langit at lupa nang mag-agawan sa kapangyarihan ang mga hari ng Holy Roman Empire at mga Santo Papa mismo sa Italya at kanugnog na mga bansa sa Europa simula ng mga taong 11-12 AD.
Dumating sina Martin Luther noong 1517 at iba pang mga lider simbahan at itinatag ang Protestant Reformation na hindi na kumikilala sa Santo Papa na siyang pinakasugo ng Diyos at mula rito, nagtatag na ang mga bansa ng kanyang relihiyon na may sariling mga sentrong simbahan at pinuno na katumbas ng Santo Papa.
Habang nagsimulang magkandahetot-hetot ang Katolisismo sa Europa simula kay Luther, dumating naman mula sa Espanya sina Ferdinand Magellan sa Pinas noong 1521 at dito nagsimula naman ang Katolisismo sa bansa.
Nagsimula namang humiwalay ang maraming Katoliko sa Simbahang Katolika nang dumating ang mga protestante galing Amerika na nagsulong ng pekeng Battle of Manila Bay noong May 1, 1898 at nang itatag noong 1902 ni Father Gregorio Aglipay ang Aglipayan Church at ang mga ito, may kanya-kanya nang sariling Santo Papa.
Sa mga panahong ito, lalo na sa mga giyera ng mga Palestino at Israel sa Gaza at Ukraine at Russia, ang boses ni ex-Santo Papa Francis para sa pag-ibig at kapayapaan ay pasok sa isang tainga at labas sa kabilang tainga.
Ngayong may bagong Santo Papa sa katauhan ni Robert Francis Cardinal Prevost bilang Pope Leo XIV, may ibubuga ba ito kasalukuyang mga pangyayari sa mundo?