DUBAI – Pinalawig ng United Arab Emirates nitong Huwebes ang visa amnesty program nito para sa overstaying foreigners hanggang Disyembre 31, na ikinatuwa ng Philippine government.
Inanunsyo ito ng Federal Authority for Identity, Citizenship, Customs, and Ports Security (ICP) ng UAE.
Inilunsad noong Setyembre 1, nakatakda sanang matapos ang amnesty program noong Oktubre 31.
Sinabi ni Maj. Gen. Suhail Saeed Al Khaili, ICP director-general, na tugon ang inisyatiba sa mga apela mula sa violators na nais ayusin ang kanilang status sa pamamagitan ng pag-alis sa bansa o pagkuha ng trabaho at pagpapalit ng kanilang residency status.
Inihayag naman ni Ambassador Alfonso Ver, pinuno ng Philippine mission sa UAE, na ang extension ay isang “welcome and positive development.”
“The Philippine Embassy in Abu Dhabi and Consulate General in Dubai, together with the Migrant Workers Offices in Abu Dhabi and Dubai, remain profoundly grateful for the mercy and kindness of the UAE towards Filipinos and highly encourage our eligible kababayans, who have not yet availed of the amnesty, to take advantage of this generous measure of the UAE authorities,” pahayag ng ambassador nitong Biyernes. RNT/SA