MANILA, Philippines — Isinailalim muli sa red alert ang Visayas grid nitong Linggo, Agosto 30, sa ika-12 pagkakataon dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), tatagal ang red alert nang tatlong oras, mula 6 p.m. hanggang 9 p.m., kasabay ng peak hours.
May available capacity na 2,228 megawatts (MW) laban sa projected peak demand na 2,306 MW, o kakulangan na 78 MW.
Sa ilalim ng red alert, maaaring ipatupad ang rotational brownouts at iba pang manual load dropping (MLD) upang maiwasan ang tuluyang pagbagsak ng grid.
Samantala, nagpatupad din ng yellow alert mula 5 p.m. hanggang 6 p.m. at muli mula 9 p.m. hanggang 10 p.m., dahil hindi sapat ang operating margin para sa posibleng aberya.
Ayon sa NGCP, patuloy na naaapektuhan ang suplay dahil tatlong malalaking coal plant ang hindi gumagana at nabawasan ang power imports mula Mindanao. Mayroon din umanong matagal nang backlog ng forced plant outages sa Visayas.
Pagsapit ng Agosto 30, 10 planta na ang nagkaroon ng forced outage ngayong buwan, habang 15 planta naman ang gumagana sa mas mababang kapasidad. Dahil dito, 977.2 MW ang nabawas sa kapasidad ng grid—mahigit 12 beses na mas malaki kaysa sa inaasahang kakulangan sa suplay noong araw na iyon. RNT/MDS