Iniharap sa mga media ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang Russian-American content creator na si Vitaly Zdorovetskiy na nambastos ng ilang Filipino at ginawa pa nitong content habang bumibisita sa bansa.Nilinaw ni Sec. Remulla na hindi basta ipapadeport ng pamahalaan ang vlogger na idineklara nang ‘undesirable alien’ at nasa ilalim ng ‘restrictive custody’ ng Bureau of Immigration.Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng vlogger sa bansa. Habang nasa harap ng media ay patuloy ang ginagawa nitong pang-iinis at pang-aasar sa harap mismo ni DILG Sec. Remulla. VAL LEONARDO
MANILA, Philippines- Hindi ide-deport mula sa Pilipinas ang nakaditineng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy dahil tumanggi ang Russia at ang United States na tanggapin siya, base kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Linggo.
“Ang problema kasi namin, ang Russia, hindi siya tinatanggap, ang US naman, green card holder siya, hindi rin siya tinatanggap, so hindi namin alam kung saan siya papauwiin eh,” pahayag ni Remulla.
Nadakip si Zdorovetskiy ng Philippine authorities noong April dahil sa serye ng law-breaking stunts nito, kabilang ang pag-video sa sarili habang nangha-harass ng mga Pilipino.
Haharap siya sa paglilitis sa susunod na linggo para sa three counts ng unjust vexation, na may posibleng tatlong buwan hanggang isang taong pagkakakulong.
“We will service his sentence, sinigurado ko po ‘yun,” giit ni Remulla.
Hiniling ni Zdorovetskiy kay Remulla na iurong ang kaso laban sa kanya, dahil umano sa mental health concerns.
Subalit, sinabi ni Remulla na hindi dapat palampasin ang mga naging aksyon ni Zdorovetskiy. RNT/SA