Home NATIONWIDE Vlogger na sina Rosmar, Rendon idedeklarang persona non-grata sa Coron

Vlogger na sina Rosmar, Rendon idedeklarang persona non-grata sa Coron

MANILA, Philippines – Pinag-aaralang ideklara bilang persona non grata sa Coron, Palawan ang mga vlogger na sina Rendon Labador at Rosmar Tan matapos ang mainitang argumento nito sa staff ng alkalde na si Jho Cayabyab Trinidad.

Sa social media post, ibinahagi ng municipal council member na si John Patrick Reyes ng Coron ang draft ng resolusyon na magdedeklara sa dalawang social media personalities bilang persona non-grata sa Coron.

Inaasahang maaaprubahan ang resolusyon matapos ang June 24 regular session.

“RESOLVED, as it is hereby RESOLVED, to declare Rendon Labador, Rosemarie Tan Pamulaklakin a.k.a. Rosmar and Marki Tan as persona non-grata in the Municipality of Coron, Palawan for their disrespectful behavior, negative publicity, incitement to conflict, and violation of Republic Act No. 10951, also known as the ‘Property and Damage Penalty Adjustment Act’; Article 153 of the Revised Penal Code; and Republic Act No. 11313, also known as the “Safe Spaces Act (Bawal Bastos Law),” saad sa resolusyon ng draft.

Ayon sa drafted resolution, ang mga aksyon ni Labador ay
“disrespectful, inappropriate, and a blatant disregard for proper decorum,” habang si Tan ay nagdulot ng “undue distress and embarrassment to the mayor’s staff and were seen as reflecting negatively on the office she represents.”

Ang “persona-non grata” ay tumutukoy sa pamamaraan kung saan ipinagbabawal ang isang tao na pumasok sa isang lugar.

Kasalukuyang iniimbestigahan ang naturang isyu, ayon kay Coron Municipal Mayor Marjo Reyes.

Nanawagan din ito sa mga angkop na departamento na kumalap ng mga dokumento at reklamo para sa nararapat na aksyon.

Nag-ugat ang isyu nang sabihin ni Trinidad na ginamit lamang nina Rendon at Rosmar ang mga mamamayan ng Coron para sa kanilang vlog.

“Ginamit nyo lang mga taga Coron para sa mga vlog vlog nyo at socmed. Dismayado dahil naghintay sila ng isang oras at gutom. At lalong ginamit nyo mga staff para mag assist sa inyo tapos sala kayong inabot kahit singkong duling!” saad sa post ni Trinidad noong Hunyo 14.

Kasunod ng akusasyon ay kinompronta ni Labador si Trinidad.

Nagkaroon pa ng mainitang argumento at makikita si Labador na sinigawan at pinagdududuro pa ang staff.

Ipinagtanggol naman nina Tan at Labador ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kani-kanilang social media pages.

“Sadyang sobrang dami tao ang pumunta kaya napilitan kami umalis kahit di pa tapos kasi may narinig kami na nahihimatay na at nagkakatulakan,” ani Tan.

“Pakiusap ko lang sa Mayor at LGU ng Coron, Palawan na huwag na lang i-damay si Rosmar. Ako na lang ang tatanggap ng Persona Non Grata kung ‘yan ang gusto niyong mangyari,” ayon naman kay Labador.

“Accountable ako sa lahat ng actions ko. Ako ay nagbabagong buhay pero ang prinisipyo at paninidigan para sa tama ay hindi magbabago,” dagdag pa niya. RNT/JGC