Home NATIONWIDE Vote buying sa San Andres Sports Complex, ibinunyag ni Versoza

Vote buying sa San Andres Sports Complex, ibinunyag ni Versoza

MANILA, Philippines – Kasabay ng paglabas ng show cause order kina Manila Mayoralty candidate Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at Sam Versoza, nanawagan naman si Versoza sa Commission on Elections (Comelec).

Ito ay matapos ilantad at matiyempuhan ang umano’y nagaganap na totoong vote buying sa San Andres Sports Complex, hapon ng Abril 24.

Sa kanyang Facebook live, kasalukuyang nagtitipon-tipon ang mga botante sa loob ng sports complex para sa pamamahagi ng P1,000.

Kinumpirma naman ng ilang indibidwal na nakatanggap ng pera ang bigayan.

Sinabi pa ni Versoza na sinubukan nilang pumasok sa sports complex ngunit pinagsarhan sila ng gate.

Aniya, inaakusahan sila ng vote buying pero ang totoo ay nasa San Andres sports complex ang bilihan ng boto.

Sabi ni Versoza, nagha-house to house lamang sila para mangampanya nang matanggap ang balitang may show cause orde siya at matiyempuhan naman ang nangyayaring vote buying sa sports complex.

Patuloy naman nakabantay ang kampo nito sa nasabing sport complex, habang nananawagan kay Comelec Chairman George Garcia na aksyunan ang nasabing alegasyon ng vote buying.

Mabilis namang tumugon ang tanggapan ng Comelec sa nasabing panawagan, at ipinag-utos na kunan ng video at larawan ang nasabing kaganapan para maisyuhan ng show cause order.

“Sabi ko po kuhanan lahat ng video at pics. Bukas ipa show cause na namin,” tugon ni Garcia nang maiparating sa kanya ang live video ni Versoza.

Ngayong araw, inisyuhan ng show cause order si Domagoso dahil sa pamamahagi umano ng P3,000 sa mga guro habang pamamahagi naman ng mga delata na may pangalan ni Versoza ang naging reklamo sa Comelec na isang uri ng vote buying. Jocelyn Tabangcura-Domenden