MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na nakatakda na sana siyang maging Pangulo noong 2022 presidential elections ngunit ipinaubaya na lamang ito.
Sagot ito ni Duterte sa naging pahayag ni House Assistant Majority Leader, Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun na ang pagnanais ni Duterte na maging Pangulo ang dahilan ng mga kaguluhan ngayon sa politika.
“Nagsimula lang naman ang kaguluhan na ito noong mangarap ang ating bise presidente na maging presidente nang maaga. Nung mangarap ang former president na paupuin yung kanyang anak na maging presidente kaagad. Dun naman nagsimula ang lahat ng ito,” sinabi ni Khonghun noong Huwebes.
“Kung wala lang sanang maagang nangarap, wala lang sanang maagang nag-ambisyon na maging presidente, tahimik naman ang lahat,” dagdag niya.
Sa kabila nito, sinabi ni Duterte nitong Sabado, Nobyembre 30 na ang 2022 presidency ay para na sana sa kanya dahil sa buong suporta nito sa mga Filipino.
“Unang-una, the presidency of 2022 was mine already. Nanalo na ako sa surveys, lahat ng tao solid na, united na for my candidacy pero I gave it away because I felt I had to do some other things other than being president of the Republic of the Philippines,” ani Duterte.
Dagdag pa niya, desisyon niya rin umanong huwag tumakbo sa pagka-Pangulo noong 2022 dahil nais niyang ipagpatuloy ang kanyang termino sa Davao City nang mga panahong iyon.
“Hindi talaga nagsabi si Pres. Duterte na tumakbo ako for president. And even if, nagsabi siya, hindi rin talaga ako tatakbo for president,” ayon pa kay Duterte sa press conference noong Oktubre 18.
Aniya, ang hindi magandang pagtrato ng mga mambabatas ang tunay na dahilan ng kaguluhan sa politika.
“Pangalawa, hindi ako ‘yung nagsabi sa kanila na magbukas sila ng investigation or inquiry in aid of legislation that is more likely political persecution and harassment of OVP personnel,” sinabi pa ni Duterte.
“So, ‘wag nila akong i-gaslight into saying na ako ang dahilan ng kaguluhan na ito. Ang kaguluhan na ito ay nagsimula sa terrorism nila, sa harassment nila, sa threats nila sa mga personnel ng Office of the Vice President,” dagdag pa ng Bise Presidente.
Aniya, dadalo siya sa susunod na pagdinig ng Kamara sa umano’y maling paggamit niya sa pondo ng Office of the Vice President at Department of Education.
“They really feel safer and medyo kumakalma sila kung nandyan ako.” RNT/JGC