MANILA, Philippines – Namataan ang tatlong Chinese research vessels sa silangang bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado, Nobyembre 30.
Tinukoy ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea, ang mga barkong ito na Xiang Yang Hong 3, Jia Geng, at Xiang Yang Hong 10.
Hanggang nitong Sabado, ang mga barko ay namataan 210 nautical miles o nasa 389 kilometro silangan ng Siargao Island, Surigao del Norte, o nasa labas ng EEZ.
“We are still monitoring itong paggalaw nitong Chinese research vessels na ito because, at some point, it entered our exclusive economic zone noong mga nakaraang araw,” sinabi ni Tarriela.
Sinabi rin nito na ang Jia Geng ay namataan 200 NM o 370 kilometro silangan ng Davao Oriental bandang 8:59 ng umaga ng Nobyembre 14, o nasa exclusive economic zone limit ng bansa.
Dagdag pa, ang Xiang Yang Hong 3 ay nasa 257 NM (476 kms) northeast ng Santa Ana, Cagayan noong Nobyembre 17.
Samantala, ang Xiang Yang Hong 10 ay namataan 200 NM (370 kms) silangan ng Siargao Island mula 8:42 ng umaga ng Nobyembre 20 hanggang 6:36 ng umaga ng Nobyembre 29.
Sa kaparehong araw, namataan ang Xiang Yang Hong 3 sa layong 391 kilometro silangan ng Siargao Islands.
Kamakailan ay iniulat na rin na namataan ang
Xiang Yang Hong 3 malapit sa Philippine Rise kasama ang isa pang research ship na Zhang Jian, noong Nobyembre 4.
Ani Tarriela, ang mga barko ng China ay namataan sa pamamagitan ng kanilang automatic identification systems (AIS).
Nagpatay ang mga barkong ito ng kanilang AIS, ngunit natunton ng PCG ang mga ito sa pag-access sa Dark Vessel Detection Program mula sa pamahalaan ng Canada.
Nang tanungin naman kung ano ang posibleng motibo ng mga barkong ito, sinabi ni Tarriela na, “We can only speculate, as long as hindi natin alam ano talaga ang intention ng People’s Republic of China, why are they conducting these research vessels nang malapit sa exclusive economic zone natin sa eastern seaboard.”
“There must be a compelling reason for the Chinese government to deploy three research vessels all at the same time in one particular area,” dagdag pa niya.