Home NATIONWIDE VP Sara ‘di dadalo sa susunod na House probe sa paggamit ng...

VP Sara ‘di dadalo sa susunod na House probe sa paggamit ng confi funds ng OVP

MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi ito dadalo sa pagdinig na itinakda sa Nobyembre 20 kaugnay sa paggamit ng kanyang opisina sa confidential funds sa kabila na nakatanggap ito ng imbitasyon.

Ani Duterte, dumalo siya sa unang pagdinig ngunit sa halip na sumagot sa tanong ay pinaupo lamang siya.

“Hindi man nila ako tinanong, kung nakikita ninyo nakaupo lang ako doon. Nasasayang yung oras ko kaya nagpaalam ako kung pwede akong umalis, pinayagan naman nila ako,” sinabi pa ni Duterte.

“Hindi ako a-attend sa hearings na susunod kasi nandoon na ako, pumunta na ako, ta’s wala naman sila ginawa sa akin, pinaupo lang nila ako doon.”

Aniya, magpapadala siya sa Kamara ng liham at affidavit tungkol sa paggamit ng confidential funds.

“Under oath din naman ‘yang affidavit na ‘yan,” ayon sa Bise Presidente.

Nitong Miyerkules, natanggap na ni Duterte ang imbitasyon para dumalo sa pagdinig matapos na bigla itong dumalo sa hiwalay na pagdinig ng House quad committee kaugnay naman sa drug war ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte. RNT/JGC