CEBU – Dumating sa Cebu si Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules upang personal na ipaabot ang pakikiramay sa mga biktima ng magnitude 6.9 na lindol, ayon sa Office of the Vice President (OVP).
Mananatili siya sa lalawigan hanggang Oktubre 2 para bumisita sa mga apektadong lugar.
Kasabay nito, ipinagpaliban ng Kamara ang deliberasyon sa ₱900 milyong pondo ng OVP para sa 2026 dahil sa kanyang hindi pagdalo.
Iginiit ni House Minority Leader Marcelino Libanan na dapat personal na humaharap ang pinuno ng bawat ahensya, samantalang ipinaliwanag ni Deputy Majority Leader Arnan Panaligan na mga opisyal lang ng OVP ang ipinadala sa plenaryo sa ikalawang araw.
Ayon kay Panaligan, itinakda muli sa Oktubre 2 ang deliberasyon, na siyang huling araw ng sesyon para talakayin ang panukalang budget ng OVP. Mas maaga noong araw, dumalo si Duterte sa Senado kung saan inaprubahan ng finance subcommittee ang 2026 budget proposal ng kanyang tanggapan. RNT