MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Vice President Sara Duterte sa dating Senate witness na si Michael Maurillo alyas Rene na magsampa ng kaso matapos na aminin ng huli na inimpluwensiyahan lamang siya ni Senador Risa Hontiveros na tumestigo laban sa una, kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte, at sa nakaditineang si pastor Apollo Quiboloy.
Tinanong kasi si VP Sara at hiningan ng reaksyon ukol sa ginawang pagbawi ni alyas Rene sa kanyang mga naging testimonya laban sa Pangalawang Pangulo ng bansa.
“That is a very serious accusation and it should be answered clearly kung ano ba talaga ang nangyari,” ayon kay VP Sara.
“Kung sa tingin ni alyas Rene na dapat siya ay mag-file din ng kaso, ay dapat na gawin niya din ‘yun para nasasabi niya ‘yung totoo sa loob ng korte at nakakasagot din nang maayos ‘yung mga akusado sa loob din ng korte,” dagdag na wika nito.
Bahagi ng kanyang rekantasyon, gumawa ng ingay sa social media si alyas “Rene” na nagpakilalang binayaran umano ni Sen. Risa Hontiveros upang tumestigo sa Senado laban kina VP Sara, Digong Duterte, at Quiboloy.
“Nabasa ko na ‘yung affidavit niya bago pa man siya lumabas publicly. In fact, mayroong mga nakalagay doon na nakasama niya ang mga witnesses kuno ng ICC doon sa isang bahay kung saan siya pinatira ni Senator Hontiveros,” ayon kay VP Sara.
Sinabi pa ni VP Sara na ang di umano’y ‘false testimony’ ay dapat na maging ’cause of concern.’
“In fact, sinabihan ko din ang lawyer ni President Duterte noon na mayroon nga gan’un na statement ‘yung witness against Pastor Quiboloy na ngayon ay nagsasabi na hindi totoo ‘yung mga sinabi niya. Sinabi niya na nakasama niya sa tirahan ang mga witnesses ng ICC,” ani VP Sara.
Samantala, kaagad namang niresbakan ni Hontiveros si alyas Rene; sa katunayan, ay naghain ito ng reklamong cyber libel laban kay alyas Rene kaugnay ng mga ibinunyag nito laban sa kanya.
Inilapag din ng senadora ang mismong draft daw ng affidavit ni alyas Rene na nagsabing may kaugnayan daw sina Digong Duterte at VP Sara kay Quiboloy. Kris Jose