Home NATIONWIDE VP Sara ngayong Rizal Day: Katapangan ni Rizal alalahanin sa gitna ng...

VP Sara ngayong Rizal Day: Katapangan ni Rizal alalahanin sa gitna ng opresyon

MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Vice President Sara Duterte sa sambayanang Filipino na gunitain ang alaala ng Pambansang Bayani na si Gat. Jose Rizal sa pamamagitan ng pag-alala sa kanyang katapangan sa gitna ng opresyon at paninindigan kung ano ang tama.

“Ang napakatinding pagsubok na kanyang pinagdaanan ay nagpapaalala sa atin na kahit sa pinakamadilim na oras, ang liwanag ng katotohanan at katarungan ay maaaring manaig,” ang sinabi ni VP Sara.

“Parangalan natin ang kanyang alaala sa pamamagitan ng paninindigan para sa tama at kolektibong pagsusumikap tungo sa mas makatarungan, pantay, at tunay na malayang Pilipinas,” dagdag na pahayag nito.

Sa ulat, itinatag ni José Rizal ang La Liga Filipina, samahan na naging daan sa pagkabuo ng Katipunan na pinamunuan ni Andrés Bonifacio na isang lihim na samahan na nagpasimula ng Himagsikang Pilipino laban sa Espanya na naging saligan ng Unang Republika ng Pilipinas sa ilalim ni Emilio Aguinaldo.

Isa siyang tagapagtaguyod ng pagkakaroon ng sariling pamahalaan ng Pilipinas sa mapayapang paraan, sa halip na isang marahas na pag-aalsa na susuporta lamang sa karahasan bilang huling paraan.

Naniniwala si Jose Rizal na ang tanging katuwiran sa pagpapalaya sa Pilipinas at pagkakaroon nito ng sariling pamahalaan ay ang pagbabalik ng karangalan ng mga mamamayan, at winika niya “Bakit kalayaan, kung ang mga alipin ngayon ay magiging maniniil ng hinaharap?”.

Ang pangkahalatang napagsang-ayunan ng mga dalubhasa sa buhay ni Rizal ay ang pagbitay sa kanya ang nagtulak upang magsimula ang Himagsikang Pilipino. Kris Jose