MANILA, Philippines – MATAPANG na sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi alam ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung paano maging Pangulo ng Pilipinas kaya’t hindi na kataka-taka kung ang bansa ay “on this road to hell”.
“Hindi ko kasalanan that we’re on this road to hell… Hindi marunong maging presidente ang nakaupo. Kasalanan ko ba ‘yun? Hindi,” ang pahayag ni VP Sara.
“Kasi kung alam mo naman na may kakulangan ka, bibilisan mo yung gagawin mo para mag-catch up. Hindi ka naman uupo lang doon,” ang dagdag na wika nito.
Kung maaalala, nagsanib pwersa sina Pangulong Marcos at VP Sara nuong nakaraang 2022 Presidential elections sa ilalim na Unity Team.
Sa unang dalawang taon ay naging maganda ang relasyon ng dalawa subalit pagpasok ng ikatlong taon ay unti-unti nang nagkakalamat hanggang sa noong buwan ng Hunyo ay nagbitiw sa pwesto bilang DepEd Secretary si VP Sara.
Inihayag din ng Pangalawang Pangulo na hindi sila magka-ibigan ni Marcos dahil nagkakilala lamang sila nuong kasagsagan na ng kampanya kaya hindi niya ito kilala.
Aniya ang kaniyang kaibigan ay si Senator Imee Marcos.
Sinabi ni VP Sara na huli silang nagkausap ni Pang. Marcos noong magtungo siya sa Malakanyang at ibigay ang kaniyang resignation bilang kalihim ng Department of Education (DepED). Kris Jose