Home NATIONWIDE Complete overhaul sa Party-list Law ipinanawagan ng Comelec

Complete overhaul sa Party-list Law ipinanawagan ng Comelec

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Commission on Election (Comelec) nitong Biyernes, Oktubre 18 na sa halip na amyendahan ay tuluyang baguhin na lamang ang Party-list Law upang tugunan ang mga isyung lumilitaw sa kasalukuyang panahon.

“Sa halip na amendment, maganda kung complete overhaul. Revision. Upang mareflect natin ang mga naging decision ng Korte Suprema, upang ‘yung concern ng iba lalo na sa issue ng marginalized, underrepresented, proportionality ay mareflect din,” sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia.

Ani Garcia, napapanahon nang suriin at rebisahin ang Republic Act (RA) No. 7941, na nagtatakda ng probisyon para sa party-list system sa bansa.

“Sa atin pong palagay, nararapat at napapanahon na para magkaroon ng re-examination, magkaroon ng pag-aaral, pagbabago sa RA 7941. Nasisisi ang Komisyon kung paano kami naga-accredit…kung paano namin kino-consider ang bawat isa na nominee samantalang nakalagay sa ating batas na kinakailangan may mag-file ng isang petition upang ikwestyon ang isang nominee,” sinabi pa ni Garcia.

“Hindi kami ppwede na mag-motu prioprio cancel ng isang party-list organization o mag-mag-motu prioprio cancel ng CONA ng bawat isa,” dagdag nito.

Pagpapatuloy ng poll chief, “Sana masimulan man lang ‘yung pagreview, pagbabago dito sa Party-list system The Comelec can only work within the bounds of the law. We cannot work outside the law. Otherwise that would be legislation.”

Nasa kabuuang 156 party-lists ang nakapasok sa kauna-unahang electronic raffle ng mga bilang upang matukoy ang kanilang pagkakasunod-sunod sa listahan ng opisyal na balota para sa 2025 national and local elections (NLE).

Ipinaliwanag ito ni Garcia matapos na alisin ng Comelec ang nasa 30 unaccredited party-lists mula sa 190 grupo na naghain ng kanilang Certificate of Nomination and Acceptance (CONAs) ngayong buwan.

Sa nalalabing 160 party-lists, apat ang bigong makapagpasa ng kanilang CONAs.

Nasa 42 bagong party-lists naman ang nabigyan ng akreditasyon sa ilalim ng kasalukuyang liderato ng Comelec, pinakamababa sa mga nakalipas na taon.

Samantala, sinabi ni Garcia na ang mga nadiskwalipikang party-list groups ay kailangang kumuha ng temporary restraining order (TRO) laban sa Comelec mula sa Supreme Court (SC) para maisama sa opisyal na balota.

“Ang pwede naming gawin ‘yung mismong makakakuha ng TRO…ilalagay namin sa kahulihan ang mga pangalan nila. Kung meron namang partido o sectoral organizations na ayaw na mag-participate…pwede namin tanggalin ang numero na ‘yun,” ani Garcia.

“Sa magkakalaban, ilang grupo sa party-list, ang lista nila sa balota ay isa lang din. Dahil isa lang din, walang problema. Kung sakaling manalo ang party-list, kinakailangan i-resolve namin kung sino sa grupo ang iproklama. Usually, ang ginagawa natin di muna natin pino-proklama,” dagdag pa niya.

Noong Abril, sinabi na ni Garcia na dapat amyendahan ng Kongreso ang Party-list law upang maiwasan na maabuso ito ng mga political family at power brokers. RNT/JGC