MANILA, Philippines – Hinimok ni Vice President Sara Duterte ang mga botante na huwag basta-basta maaakit sa mga “political names” sa darating na halalan.
Ani Duterte, dapat pag-isipan ng mabuti ng mga botante ang pagsuporta sa mga politiko batay sa kanilang mga apelyido.
Matatandaang kilala rin ang mga Duterte sa larangan ng politika, partikular na sa Davao City.
“Galing ako sa political dynasty, obvious naman ‘yan,” ani Sara, anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Pero hindi dahil galing sa pamilya ng pulitiko ay automatic na ang boto n’yo. Pagisipan n’yo kung ano ang kapasidad ng tao na ‘yan bago tayo bumoto, ‘wag bumoto dahil sa apelyido.”
Ang pahayag ni Duterte ay tila isang tirada laban kay House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.
“‘Wag kayong maniwala sa mga promises ng mga pulitiko. Tignan n’yo ang kanyang track record. Tignan n’yo ang path ng pulitiko na ‘yan, ano bang nabigay niya. Ano ba ang promise n’ya noon na hindi n’ya naibigay,” ayon pa kay Duterte.
Dagdag pa, nagbabala rin si Duterte sa mga politiko na nang-aakit ng boto sa pamamagitan ng “ayuda.”
“Ang vote buying ngayon nakatago na sa pangalang ‘ayuda,’ nakatago sa pangalang ‘tupad’… unang una pera n’yo yan, pera ng bayan, tanggapin n’yo ‘yan.”
“‘Wag kayong magpadala sa vote buying, we will end up in an embarrassing situation at nanonood sa atin ang ibang bansa.” RNT/JGC