Home NATIONWIDE VP Sara sa P150M confi funds sa 2024: Edukasyon, kakambal ng national...

VP Sara sa P150M confi funds sa 2024: Edukasyon, kakambal ng national security

MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte nitong Lunes, Agosto 7, ang proposed P150-million confidential funds para sa 2024 ng Department of Education, sa pagsasabing ito ay may kinalaman sa national security.

Sa ambush interview kasabay ng national kick-off ng 2023 Brigada Eskwela sa Tarlac National High School, natanong si Duterte kung bakit mahalaga para sa DepEd na magkaroon ng ganito kalaking budget para sa confidential fund sa susunod na taon.

“Because education is intertwined with national security. Napakahalaga na [it is very important that] we mold children who are patriotic, children who will love our country, and who will defend our country,” sinabi ni Duterte.

Maliban sa P150 milyon na hinihingi ng DepEd, nagrequest din ang Office of the Vice President ng P500 milyon na confidential funds sa 2024 national budget.

Ayon kay Duterte, ang Kongreso na ang bahalang magdesisyon kung ito ay aaprubahan.

Itinanggi naman niyang ibigay ang pagkakahati-hati kung saan gagamitin ang proposed confidential funds.

“There is a joint memorandum circular with regard to confidential funds. Nakalatag doon kung paano siya gagamitin. Nakalatag din doon kung paano siya i-liquidate. And by its nature, it’s a confidential fund, so we cannot discuss kung paano siya ginagamit sa operations,” aniya.

Nitong weekend, sinabi ni DepEd spokesperson Undersecretary Michael Poa na ang P150 milyon na confidential fund ay gagamitin para mangalap ng impormasyon ng illegal recruitment sa academic institutions sa bansa at wakasan na ang ganitong aktibidad.

“Talaga pong may ganyang activities po kasi, and that’s why I think unang una sa lahat, kailangan natin aminin din talaga na there’s a need to protect our learners sa mga ganyang bagay,” ani Poa.

Sa ilalim ng 2023 national budget, ang DepEd ay binigyan din ng P150 million confidential fund. RNT/JGC