Home METRO 2 lalaki na sangkot sa pananaksak sa Navotas, arestado

2 lalaki na sangkot sa pananaksak sa Navotas, arestado

MANILA, Philippines – ARESTADO ang dalawang lalaki na sangkot sa pananaksak, kabilang ang isang erpat na nakapatay sa sariling anak sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Navotas City.

Unang dinakma ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes si alyas “Tukmol” matapos niyang saksakin ng gunting ang kalaro sa sugal na pusoy sa isang lamay ng patay sa Phase 2 Area 1 Block 28, NBBS-Dagatdagatan dakong ala-1:55 ng madaling araw matapos ang kanilang mainitang pagtatalo.

Ayon kay Capt. Alexander Calabucal, hepe ng Navotas Police Sub-Station-4 na nakadakip kay Tukmol, sasampahan nila ng kasong frustrated homicide ang suspek matapos positibong kilalanin ng biktima na patuloy na nakaratay pa rin sa Navotas City Hospital bunga ng tinamong saksak sa bahagi ng katawan.

Dakong alas-6:05 naman ng Linggo rin ng gabi nang madakip sa ikinasang follow-up operation nina P/Lt. Roberto Furuc, Commander ng Navotas Police Sub-Station-1 si alyas “Boyet”, na suspek sa pagpatay sa sariling anak sa Brgy. Tanza 2.

Sa ulat na tinanggap ni Col. Cortes, alas-3:45 ng Linggo ng hapon nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mag-ama sa loob mismo ng kanilang tirahan sa Chungkan St. Brgy. Tanza 2.

Sa gitna ng kanilang pagtatalo, kumuha ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang sariling anak na dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Ayon kay Col. Cortes, inihahanda na ng kanyang mga tauhan ang pagsasampa ng kasong Parricide laban sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. Rene Manahan