MANILA, Philippines – SINABI ni Vice President Sara Duterte na walang pag-aayos na magaganap sa kanila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at umabot na sila sa “point of no return.”
“I believe we reached the point of no return and it is clear na [that] they are really going after me,” ang sinabi ni VP Sara sa isang press briefing.
“Gusto nila akong tanggalin sa position,” pagtiyak nito.
Sinabi pa niya na target ni House Speaker Martin Romualdez, pinsan ni Pangulong Marcos ang pagkapangulo.
Samantala, matatandaang sinabi ni VP Sara na kumausap na siya ng assassin para itumba ang First Couple na sina Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Marcos at Cong. Romualdez sakali’t may mangyaring masama sa kanya.
Subalit, nilinaw ni VP Sara na hindi pagbabanta ang binitawan niyang pahayag laban sa First Couple.
Sinabi niya na ang mga binitiwan niyang pahayag ay bunga ng kaniyang pangamba sa kanyang buhay.
Ani Duterte, may mga naririnig siyang banta sa kanyang buhay kung saan siya ay pinag-iingat.
At wala aniya siyang dahilan para patayin ang mag-asawang Marcos dahil wala naman syang magiging benepisyo rito.
“They can always try na mag-impeachment…They can always gumastos at magwaldas ng pera ng gobyerno para i-impeach ang vice president…Let’s see. If I get impeached, that is my end. Tapos,” dagdag na wika ni VP Sara. RNT