HABANG patuloy na “nakatutok” ang ating atensiyon sa ginagawang pagdinig ng House QuadComm dito sa Metro Manila hinggil sa isyu ng mga krimen na “inianak” ng mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at iligal na droga, patuloy namang “nagpipiyesta” ang mga sindikato ng mga ismagler, partikular na ng sigarilyo (at posibleng shabu), d’yan sa lugar ng BASULTA—Basilan, Sulu, Tawi-tawi, at iba pang mga lugar sa Mindanao.
Ayon kasi sa mga ‘concerned citizens,’ Philippine National Police Chief PGen. Romeo Marbil, “dawit” (daw) kasi sa ‘criminal activity’ na ito ang mga kagawad ng PNP na nakadestino sa BASULTA, mismo! May mga pangalan nang ibinigay sa atin ang ating mga ‘sources,’ Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Regional Director PBGen. Romeo Macapaz, Sir. At nabanggit natin sa nakaraang kolum na ilan pa nga sa kanila ay may ranggong “Kernel.”
Sa ngalan naman ng parehas na pagbabalita, nasa iyo ang pagkakataon na imbestigahan ang ilan mong mga opisyal—habang may panahon pa, tama ba, PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group director, PBGen. Warren De Leon? At kung lumabas na “sinungaling” ang mga nagsusumbong sa atin, eh, ‘di… wow! Hehehe!
‘And the same goes,’ wika nga, sa mga operatiba ng Philippine Coast Guard, Admiral Ronnie Gil Gavan, tulad din ng nabanggit natin sa nakaraang kolum. Marahil, dapat mong “kumustahin” ang mga tauhan mo kung saan isa sa kanila ay “sabay” na nagpapagawa ng dalawang bahay sa kanyang probinsya sa Central Luzon.
Ganyan ba “kalaki” ang suweldo ngayon sa PCG na kayang magpagawa ng dalawang bahay kahit mababang ranggo lang? Mabuti hindi “mainggitin” si Adm. Gavan? Katulad sa PNP, alin ba ang malaki sa PCG, “suweldo” ba o “sahod?”
Sa ganang atin, “malakas ang loob” ng mga korap sa PNP at PCG dahil hindi malayong “padrino” nila ang mga opisyal sa mga local government unit na “pasok” din sa krimeng ito? Eh, paano sa “itaas,” may “hatag” din kaya? Naloko na! Abangan!