ANG grupong “Kontra Abuso ng Kongreso” ay ang nabuo upang bantayan at kontrahin ang sinasabing pang-aabuso ng Kamara de Representantes sa resource persons na kanilang iniimbita para imbestigahan.
Ayon sa Kontra +Abuso ng Kongreso, dapat nang kwestyunin ang mga mambabatas sa kanilang mga ginawang pagtrato sa kanilang mga panauhin para naman maprotektahan ang karapatang pantao ng resource persons o guests ng House of Representatives laban sa dinaranas na kahihiyan sa kamay ng ilang miyembro ng HOR.
Ang Kontra Abuso ng Kongreso, ay binubuo ng mga samahan tulad ng Sword AFP, Manibela, National Public Transport Coalition, United TNVS, I.B.A.N.A.G, Lawyers for Commuters Safety and Protection, at Laban TNVS.
Para sa inyong lingkod na lead convenor ng grupo, hindi naman sila kontra sa kalahatan ng HOR kundi doon lang sa tila inaabuso na ang pribilehiyo na kaloob sa isang mambabatas.
Iginiit ng grupo na samantalang ang Kongreso ay may kapangyarihan na magpatawag ng pagdinig o imbestigasyon, ayon sa Korte Suprema, ay hindi lahat ng isyu ay pwedeng panghimasukan ng HOR, at malinaw na isinasaad sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas, na ang mga ipatatawag na mga pagdinig o imbestigasyon ay dapat lang gagamiting suporta o impormasyon para sa pagbabalangkas ng mga batas.
Para sa inyong SIBOL, “Ang ibig sabihin nito at dapat munang may pahayag na panukalang batas bago mag imbestiga, na dapat malinaw na nakalathala ang mga patakaran ng pagdinig at dapat protektado ang karapatan ng mga imbitadong resource persons,”
“Isang halimbawa nito ay ang karanasan ko nang minsan ay maimbitahan bilang guest sa inquiry ng HOR kung saan ay nakaranas ako nang pamamahiya mula sa Representatives ng Congress at napagbantaan na “will cite you in contempt” dahil ang aking mga pahayag ay taliwas sa sa gustong marinig ng mga mambabatas.”
Ilang mga government at private officials ang napanood na sa telebisyon o online na nakaranas nang pang-iinsulto ng mga kongresman at ginagawang katatawanan sa gitna nang sinasabing legislative inquiry?
Anong mga batas ba ang naipasa bilang resulta ng mga pangaalipusta at pangbabastos na dinanas ng resource persons?
Kung dati ay iho-hold lang sa compound ng Kongreso ang resource person na-contempt, ngayon sa kulungan na talaga ang bagsak at trinato na kaagad na kriminal.
Gustong ipaalala ng grupong ‘Kontra Abuso ng Kongreso’ na hindi dapat umastang mga prosecutor ang mga mambabatas o mga parang mga hukom dahil hindi korte ang Kongreso.
Oo at maaari silang mag-imbestiga pero ito ay para suporta sa batas na kanilang binabalangkas at kung wala silang batas na binabalangkas, walang silbi ang mga imbestigasyon na parang telenovela lang na pinapanood at minsan ay pinagtatawanan na ng mga tao.
========================================
Atty. Ariel Inton
09178174748
President, Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)
Lead Convenor – Kontra Abuso ng Kongreso