MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Huwebes na wala pa itong natatanggap na ulat ng pag-agos ng lahar mula sa Bulkang Mayon sa gitna ng inaasahang pag-ulan sa lalawigan dahil sa shear line.
“Wala pong naiulat na lahar dulot ng shear line,” ani PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol sa Bagong Pilipinas Ngayon.
“Although hindi na masyadong maulan…patuloy pa rin nating pinapayuhan ang ating mga residente, lalo na ang mga nakatira malapit sa mga ilog na umagos mula sa Mayon na manatiling mapagpamatyag,” dagdag ng opisyal.
Patuloy niya,” lalo itong mahalaga kung magpapatuloy ang pag-ulan dahil maaari itong magdulot ng lahar”.
Nitong Miyerkules, nagpalabas ang Phivolcs ng abiso na nagbababala sa mga residente sa mga lugar malapit sa Bulkang Mayon ng posibleng pagdaloy ng lahar dahil sa pag-ulang dulot ng weather system.
Samantala, pinaalalahanan ni Bacolcol ang mga residente na agad na lumikas sa ligtas na lugar sakaling magkaroon ng pagdaloy ng lahar sa komunidad.
Kasalukuyang nananatili ang Bulkang Mayon sa ilalim ng Alert Level 1 ( low level of unrest). RNT/SA