Home OPINION WALANG HANGGANG PAGMAMAHAL NG INA

WALANG HANGGANG PAGMAMAHAL NG INA

HAPPY Mother’s Day sa lahat ng mga ina sa buong mundo. Bagaman kahapon ito naitakda, pwede namang ipagdiwang araw-araw. Ang pinakaimportanteng mensahe nito ay igalang, mahalin at arugain natin ang ating mga ina na siyang nagbigay buhay sa atin kaya nga tayo ay nandito sa mundong ibabaw.

Pwedeng sa bawat araw na lumilipas ay bigyang pasalamat natin ang ating mga in ana walang hanggan ang sakripsiyong ginawa para lang sa kanyang mga anak na mahal at sa pamilyang kanyang pinapahalagahan.

May mga pagkakataon nga na kahit may mga asawa na ang mga anak ang mga ina ay hindi tumitigil sa pagmamahal at pagkalinga at aruga sa kanyang mga anak na pati mga apo ay damay na rin.

Palaging nandyan ang mga ina natin na bagaman hindi nabibigyang halaga ng mga anak dahil ‘busy’ sa trabaho at sariling pamilya ay hindi nakalilimot na ipagdasal ang kaligtasan at tagumpay ng anak at pamilya nito.

Iyan ang mga ina natin na walang kupas ang pagmamahal para sa kanyang mga supling. Iyon nga lang, minsan, iniisip ng mga supling na ang isang ina ay may mas pinapaboran sa kanyang mga anak. Totoo naman na ang isang ina ay mas madalas sa piling o pagbisita sa anak na mas kailangan ang kanyang tulong. Iyan ang mga ina. Pero ang pagmamahal ng ating mga magulang ay pantay-pantay nagkakataon lang na mas madalas lumapit o humingi ng tulong ang isang anak na hindi naman nakaaangat kaysa sa kanyang mga kapatid.

Sa simula pa lang, ibinigay na ng ating mga ina ang kanyang buhay upang maisilang lang tayo sa mundo. Hindi baleng malagay sa panganib ang sariling buhay sa panganganak basta mailuwal lang ang magpapaligaya sa kanya ng habambuhay.

Pero bakit may mga anak na nagbibigay ng problema sa kanilang mga magulang? Hindi nila binibigyang halaga na posibleng naghihirap ang kalooban ng kanilang ina sa nangyayari sa kanila.

Sana nga ay magising tayong mga anak na walang magulang na naghangad na mapasama ang kanyang anak. Ang mga magulang, kahit na ang ibon, ay ayaw mawalay ang kanyang mga inakay habang bata pa kaya naman panay ang kanyang pag-alalay. Ang mga ina, kaya nga tinawag na “Ilaw ng Tahanan” ay siyang nagbibigay ng liwanag sa tinatahak na landas ng mga anak patungo sa tagumpay at magandang buhay.

Na-miss ko tuloy ang aking ina na si Ofelia dahil siya ang aking naging gabay at lakas sa pagtahak sa buhay. Maging ang mga anak ko, siya ang naging idolo at gabay sa pag-aaral. Salamat Inay sa lahat ng aral, gabay at pagiging sandigan ko noong ikaw ay nabubuhay pa.

Kaya sa mga anak, habang nasa piling pa ninyo ang inyong mga magulang, ibigay nyo na ang lahat ng kanilang munting kahilingan at ipakita ninyo ang inyong pagmamahal sa kanila sapagkat kapag sila ay nawala, hahanap-hanapin ninyo ang kanilang pagmamahal at pag-aaruga sa inyo at inyong mga anak.

Muli, sa lahat ng mga ina o ina sa isip, salita at gawa, HAPPY MOTHER’S DAY!

At ang inyong Pakurot, na isa ring ina, ay nagpapaalala sa lahat ng botante na pumili at bumoto sa mga kandidatong batid natin na magseserbisyo sa mamamayan at hindi kumandidato para sa sariling kapakanan at pakinabang.