Home METRO Walang ibang DNA na nakita sa namatay na Slovak tourist – SITG

Walang ibang DNA na nakita sa namatay na Slovak tourist – SITG

ILOILO CITY- Sa lumabas na resulta ng isinagawang medical examination ng forensic team, walang iba pang nakitang Deoxyribonucleic acid o DNA sa bangkay ng babaeng turistang Slovak na ginahasa umano at pinatay sa isla ng Boracay sa Malay, Aklan.

Ayon kay Police Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Special Investigation Task Group (SITG) Aklan Police Provincial Office, wala ring ibang nakitang semilya.

Binanggit ng forensic team, na nasa advanced state of decomposition na ang bangkay ni Michaela Mickova, 23, nang madiskubre ito sa isang abandonadong chapel sa resort sa naturang isla.

Subalit lumabas sa resulta ng awtopsiya na sekswal na inabuso si Mickova.

Sa ngayon ay dalawa pa lang ang persons of interest (POI) ng pulisya at hindi nakita ang kanilang DNA sa katawan ni Mickova.

Sinabi ni Ayon na “technically”, hindi sila mga suspek dahil naaresto sila sa dalawang magkahiwalay na krimen at ang isa sa mga POI na naaresto sa isang anti-drug operation ay naglabas ng affidavit na nagsasabing may alam siya sa krimen.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para sa mga karagdagang ebidensya na magiging sapat upang magsampa ng kasong kriminal kabilang ang mga impormante sa labas at mga footage ng camera ng closed-circuit television.

Ipinaabot na rin ng SITG sa Embahada ng Slovakia na ang mga labi ni Mickova ay na-cremate at ipadadala ang kanyang urn sa pamilya ni Mickova sa Slovakia.

Aminado naman si Ayon na nahihirapan silang ipadala ang urn dahil sa maraming kinakailangang dokumento.

Magugunitang, dumating ng bansa si Mickova noong Marso 1, 2025 sa isla ng Boracay para dumalo sa kasal ng kaibigan nitong Filipino.

Pagdating ng Marso 10, nagpaalam ang biktima na maglalakad lamang siya sa tabing-dagat subalit hindi na ito nakabalik pa.

Makalipas ang ilang araw ay natagpuan na lamang ang bangkay nito na walang saplot pang ibaba sa isang abandonadong kapilya sa Zone 3, Sitio Pinaungon, Barangay Balabag, ng nasabing isla. Mary Anne Sapico