Home NATIONWIDE Walang kailangang dagdag-budget sa ‘Pamilya Pass 1+3’ Fare Promo – Malakanyang

Walang kailangang dagdag-budget sa ‘Pamilya Pass 1+3’ Fare Promo – Malakanyang

246
0

MANILA, Philippines – WALANG nakikitang dahilan ang gobyerno upang maglaan ng pondo para sa implementasyon ng “Pamilya Pass 1+3 Promo” sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3 at Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, walang kailangang budget para simulan ang inisyatibang naglalayong pagaanin ang pasanin sa pananalapi ng mga pamilyang naglalaan ng oras upang magsama-sama tuwing araw ng Linggo.

“Government-run po ito at karaniwan naman po kapag Linggo ay hindi naman po napupuno ang LRT at MRT natin. Kaya wala pong budget na required para dito,” ani Castro.

Sa ilalim ng Pass 1+3 Promo, ang MRT-3, LRT-1, at LRT-2 ay nag-aalok ng libreng sakay para sa tatlong miyembro ng pamilya kung saan isa lamang ang magbabayad ng pasahe tuwing Linggo.

Maaaring mag-avail ng promo ang mga miyembro ng pamilya tulad ng magulang at mga anak, lolo’t lola at mga apo, kapatid, tiyuhin at tiyahin, o mga guardians na may dependents.

Ang promo ay tatakbo hanggang sa huling Linggo ng Hunyo 2028.

Tinuran pa ni Castro na may opsyon ang susunod na administrasyon kung ipagpapatuloy o hindi ang programa.

“At bakit hanggang last Sunday ng June 2028? Dahil nais po ng Pangulo na bigyan din po ng karapatan ang susunod na administrasyon na piliin kung ano ang nanaisin nilang programa patungkol dito,” dagdag pa niya.

“Iyan po ay isang respeto ng Pangulo sa susunod na liderato,” ani Castro. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here