Home METRO Lingguhang light show masisilayan sa Jones Bridge

Lingguhang light show masisilayan sa Jones Bridge

261
0

MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na simula ngayong Sabado, Hunyo 7, 2025, ay sisimulan na ang pagpapakita ng makukulay na ilaw at tunog tuwing katapusan ng linggo sa Jones Bridge, ang iconic na tulay na nag-uugnay sa Binondo at Intramuros sa lungsod ng Maynila.

Ang proyekto ay bahagi ng inisyatibong Pasig Bigyang Buhay Muli (PBBM), na layong buhayin at paunlarin muli ang mga pampang ng Ilog Pasig. Pinangungunahan ito ng DHSUD sa pamamagitan ng isang inter-agency council, at itinataguyod ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) bilang bahagi ng ika-50 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Pilipinas at China.

Ayon kay DHSUD Assistant Secretary Mark Sambar, ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na pagpapaganda sa paligid ng ilog, at bukas ito para sa mas maraming partisipasyon mula sa pribado at pampublikong sektor.

“Isa itong paanyaya sa publiko na muling tangkilikin ang Ilog Pasig bilang isang ligtas, kaaya-aya, at makasaysayang espasyo,” ani Sambar.

Ang Jones Bridge, isa sa mga pinakapinipiksyunan at kinukuhanan ng larawan sa Maynila, ay kabilang sa mga pangunahing lugar na tinutukan ng administrasyong Marcos. Malapit ito sa bagong Pasig River Esplanade sa likod ng Manila Central Post Office, na pinasinayaan noong Enero, at sa Plaza Mexico extension, na binuksan noong Hunyo ng nakaraang taon.

Kasalukuyan nang nasa ikatlong yugto ng pagpapaunlad ang iconic na tulay, na kinabibilangan ng mga estruktural na pagpapabuti at disenyo upang gawing mas accessible at kaaya-aya para sa mga pedestrian at bisita. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here