Home NATIONWIDE Walang kaso ng overstaying na PDLs – BuCor

Walang kaso ng overstaying na PDLs – BuCor

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Bureau of Corrections (BuCor) na walang kaso ng overstaying na persons deprived of liberty (PDLs) sa hurisdiksyon nito.

Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na hindi sila nagpapabaya pagdating sa kapakanan ng mga PDL partikular sa usapin ng takdang pagpapalaya.

Ang pahayag ni Catapang ay bunsod ng napaulat na PDL sa Cavite na nananatiling nakakulong na lagpas sa sentensya nito.

Ipinaliwanag ni Catapang na ang kaso ng naturang PDL ay dahil sa kabiguan ng tauhan ng korte na maipadala ang release order sa BuCor.

“Wala kaming kaso ng kapabayaan,” ani Catapang.

Aniya, ang PDL Documents and Processing Division ng BuCor ay palaging nagsasagawa ng information drive para matugunan ang mga problema at isyu ng mga PDL.

Nitong nakaraang taon pa aniya iniutos na palaging suriin ang prison records o karpeta ng bawat PDL.

Kinakailangan din na batid ng mga PDL ang estado ng kanilang legal documentation at prison records at proseso ng kanilang paglaya sa kustodiya ng ahensya para batid nila kung kailan sila lalaya.

Batay sa rekord may 15,382 PDLs ang napalaya na mula Hunyo 2022 hanggang Hulyo 2024 sa ilalim ng Bilis Laya Program. Teresa Tavares