
NAGDEKLARA ang ilang lungsod sa Metro Manila ng “walang pasok” sa mga eskwela, pablik o pribado, dahil sa sobrang init ng panahon na naglalaro sa 45-46 degrees Celsius at sa ilang lugar, aabot pa sa 51 degrees, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.
Higit na mataas ito sa normal na init ng katawan ng tao na 36-37 degrees Celsius.
Magkakasinat ka na kasi kapag umabot ang init ng iyong katawan sa 38 degrees at kapag tumaas pa sa 42 degrees, mapapaso ka na at baka itakbo ka na sa ospital kapag nagkolaps ka sa loob o labas ng bahay, o sa iskul na walang aircon at bentilador.
Eh, ‘di lalo na kapag umabot sa katamtamang 45-46 degrees at sa 51 degrees ang init ng panahon.
Sa 40-42 degrees, magkakatipus at magkakakombulsyon na ang may lagnat kaya lalong masama ang kanyang kalagayan kapag tumaas pa ang kanyang lagnat sa 43-51 degrees.
Dito, hindi lang nars kundi doktor na ang kailangan mo at hindi lang barangay clinic kundi ospital na.
Hindi ka na rin lang masusunugan ng balat o kaya’y malalapnusan ng balat, kumbaga sa tubig na rito nang magsimulang kumulo.
Kung isa kang magsasaka, baka sa sementeryo ka babagsak at ang iyong kalabaw, sa palengke dahil kinarne na ito.
Kapag mangingisda ka naman, kailangan mo nang lumundag sa tubig pero ingat lang sa mga nagrorondang pating at piranha.
Baka makipagsalubungan at makipagbatian ka na rin kina Lapu-Lapu, Jose Rizal, Andres Bonifacio at mga multo at kapre.
O kaya’y diyan mo na aktuwal na makikita si San Pedro at ang kanyang manok o ang Diyos mismo — kung sa langit ka pupunta.
Hehehe.
ASYNCHRONOUS AT SYNCHRONOUS CLASS
Dahil nga sa init ng panahon, magiging online o sa internet na idaraan ang pag-aaral dahil bawal ang face-to-face o in-person para sa mga may dilang dolyar.
Sa klaseng asynchronous, may klase pero sa magkakaibang oras at lugar at puro assignment sa subject ang ipapasa ng iskul o titser sa estudyante.
Dahil sa totoo lang, eh, dahil walang klase, gawin mo na ang gusto mo pero maghanda ka sa quiz o recitation sa susunod ukol sa assignments.
Sa synchronous, may klaseng online at iisa ang oras at magkahiwa-hiwalay ang mga iskul, titser at estudyante na karaniwang nasa bahay lamang.ang huli.
Dahil nga sa 45-46 degrees hanggang 51 degrees ang init ng panahon, nagdeklara ang lungsod ng Las Piñas City ng asynchronous class mula kinder hanggang kolehiyo, pablik man o pribado at ang Malabon City ng synchronous class sa lahat ng antas, pablik man o pribado.
Ang Caloocan City, asynchronous mula kinder hanggang senior high ngunit bahala na ang mga pribadong iskul.
Ang San Juan City para sa La Salle Green Hills, asynchronous sa preparatory school hanggang Grade 3, at synchronous sa Grade 4 hanggang 12.
Maaaring masundan pa ang ganitong kalagayan at tiyak na darami pa dahil nagsisimula pa lang ang tag-init.
Happy fiesta sa students!