Home OPINION WALANG KORAPSYON, SUBSTANDARD LANG

WALANG KORAPSYON, SUBSTANDARD LANG

HALO-HALO ang mga paniniwala ukol sa mga dahilan ng pagbagsak ng isang floor o span ng Sta. Maria-Cabagan, Isabela nitong Pebrero 27, 2025.

Nasa P1.2 bilyong buwis ng mga mamamayan na ginamit ng gobyerno ang maaaring masayang nang buo kung isasara ang tulay at bawal gamitin ng kahit anong sasakyan dahil wala ito sa hulog.

Sa kabilang banda, ano pa nga ang silbi nito kung mga tao o traysikel o kotse lang ang pupwedeng gumamit samantalang dapat magamit ito ng lahat ng uri ng sasakyang panlupa, kasama ang mga bus at truck?

ITSURA NG NASIRA

Napakalinaw ang itsura ng nasirang tulay, mga Bro.

Bumagsak o nabali ang ikatlong span at makitang naputol ang mga bakal na nagsilbing pambitin sa flooring o sahig mula sa arko na ginawa sa bawat span.

Pero makikitang may kumalas ding buong bakal mula mismo sa arko.

Kung iisipin, kahit walang arko at pambitin, gaya ng ibang mga tulay na halos ganito rin kahaba ang span, dapat matatag ang sahig ng tulay ngunit bumagsak nga.

Isipin pang sinadya ang tulay para sa lahat ng sasakyan, mabigat man o magaan at kahit magsiksikan pa sila lahat ng oras sa heavy traffic.

At bagong-bago kaya, hindi dapat basta na lang bumagsak ito…na nangangahulugang lahat ng span o floor ay pupwede ring bumagsak.

MULA 2014 HANGGANG 2025

Ikinasa ang tulay noong 2014 at kumpleto ang mga plano pati materyales na gagamitin noong panahon ni ex-President Noynoy Aquino, ginawa ito noong panahon ni ex-Pres. Digong Duterte at nagpatuloy ang paggawa rito sa panahon ni Pres. Bongbong Marcos hanggang nitong Pebrero 21, 2025 saka binuksan at tinesting makaraan nito.

Hayun nga at makaraan ng isang linggo, bumagsak ang isang span ng tulay.

Ayun pa rin sa mga ulat, dapat buksan na nang buo ang tulay noon pang 2019 pero ipinagpaliban ito noong 2021 dahil nakitaan ito ng depekto at ginamit lang para sa maliliit na sasakyan.

Noong 2023 na panahon na ni Pang. Bongbong, ginawan ito ng retrofitting at natapos ito noong Pebrero 1, 2026 saka binuksan at tinesting ulit ito para sa maliliit ulit na sasakyan.

Nang dumaan ang isang kargadong trak, hayun, nangyari nga ang disgrasya at mabuting walang nasawi kundi iilan lang na nasugatan.

WALANG KORAPSYON, DEPEKTIBONG DISENYO?

Walang umaamin na may korapsyon sa proyekto at pinalalabas na disenyo ang mali.

Ngunit kasaysayan ng tulay na nakitaan ito ng depekto noon pang 2019 na ginawan din ng pag-aayos maging ng pamahalaang Marcos.

Pero bumagsak pa rin.

Mabuti sana kung bumagsak ito makaraan ang 50 taon o mahigit pa gaya ng Quezon Bridge sa Quiapo, Manila na itinayo noon pang 1939 at ni-repair lang nang masira sa bomba noong giyerang Hapon at Kano na ikinadamay ng mga Pinoy.

Mali nga lang ba sa disenyo o may nangorap at nandambong kaya naging substandard o marupok?

Kailan kaya maibabalik ang parusang bitay sa mga korap at mandarambong kung sila ang may gawa ng tulay at iba pang palpak na proyektong katulad nito?