Home OPINION WALANG PANGIL NA DTI

WALANG PANGIL NA DTI

NOONG simula pa lang ng Disyembre, sinabi ng Department of Trade and Industry na hindi tataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na gamit panghanda sa Noche Buena at Medya Noche.

Sa madaling salita, sinasabi ng DTI na kontrolado nito ang presyo lalo na sa mga supermarket at public markets at ilang pamilihan,

Inihayag pa ng ahensya na walang tigil ang kanilang ginagawang monitoring at inspeksyon upang masiguro na hindi lalagpas sa suggested retail price ang presyo ng mga bilihin tulad ng pasta, cheese, de lata, mantika, mayonnaise, itlog at mga katulad nito.

Pero ilang araw bago ang Pasko, walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang produktong ani tulad ng kamatis, luya, bawang, sibuyas at mga gulay.

Maging ang presyo ng karne ay hindi rin mapigilan ang pagtaas. Ang presyo ng kilo ng manok ay pumapalo sa P210 hanggan P220 habang ang presyo ng baboy bawat kilo ay nasa P320 ang kasim at P370 ang liempo.

Ang presyo ng isda ay napakataas na rin tulad ng kilo ng bangus P220 hanggang P240 at ang tilapia na dating P100 ay nasa P130 at ang paboritong isda ng nakararami na Galunggong ay umaabot sa P300 bawat kilo.

Nasaan na ang sinabi ng DTI na hindi tataas ang presyo ng bilihin hanggang matapos ang 2024?

Hindi pa nga dumarating ang Pasko ay napakataas na ng presyo ng mga bilihin eh paano pa sa Bagong Taon?

Hindi kaya tumaas lalo ang presyo ng mga panghanda sa Medya Noche? O baka naman sa darating na katapusan ng taon ay presyo ng gulay at prutas ang bibirit pataas tulad ng mansanas, orange, grapes, dalandan, suha, pakwan, melon at iba pa na inilalagay sa basket upang kumpleto ang labindalawang klase ng prutas na sumisimbolo sa bawat buwan ng taon.

Aba’y dapat magtrabaho na ang DTI ngayong ilang araw bago sumapit ang Bagong Taon. Baka naman nasa bakasyon na rin ang mga inspector ng DTI kung kaya’t malaya ang supermarkets at mga palengke na samantalahin ang mga okasyon?

Naku, wala na ngang pangil para magpatupad ng kanilang mandato eh ang tatamad pa ng kanilang mga empleyado. Saan na patungo ang ating bansa kung palaging nabibiktima ng mga negosyante ang mga kababayang kakarampot na nga ang kita ay naloloko pa.