MANILA, Philippines- Inamin ng ilang mambabatas na walang plano sa ngayon na patalsikin sa pwesto si Vice President Sara Duterte.
Kapwa sinabi nina Tingog party-list Representative Jude Acidre at Lanao del Sur Rep. Zia Adiong na bagama’t mayroong imbestigasyon ang House Committee on good government and public accountability ukol sa maamomalyang paggamit ng budget ang Office of Vice President at Department of Education ay hindi naman pagpapa-impeach ang layunin nito.
“Una, ang layunin ng House committee on good government ay hindi i-impeach ang Bise Presidente. Let’s be clear on that,” paliwanag ni Acidre.
Ani Acidre, maituturing na premature pa kung ang imbestigasyon ay maauwi sa impeachment o hindi.
“Impeachments, they are not to be taken lightly. Ang impeachment po ay isang pamamaraan sa ating Saligang Batas para mapanatili ang tama sa gobyerno. At kung kailangan mang umabot doon, I don’t think ang Kongreso ay magdadalawang isip. Pero sa ngayon, wala po sa isip namin yan,” paliwanag ni Acidre.
Para naman kay Adiong, dapat munang tapusin ang imbestigasyon bago magakroon ng conclusion sa usapin.
“Although there are substantial testimonies by a number of resource persons, witnesses, we have yet to find out what really happened as far as the utilization of these funds,” ani Adiong.
Ang impeachment complaint ay dapat iendorso ng isang mambabatas bago ito maihain sa Kamara. Gail Mendoza