MANILA, Philippines- Nagpalabas na ang Department of Justice (DOJ) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa pitong opisyal ng Office of the Vice President (OVP) na ipinahaharap sa imbestigasyon ng House of Representatives.
Inihayag ni DOJ Assistant Secretary Jose Dominic F. Clavano na sa pinirmahan na immigration lookout bulletin ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla, imo-monitor ng Bureau of Immigration ang pagbiyahe palabas ng bansa ng pitong OVP officials.
Inilabas ng DOJ ang ILBO batay sa kahilingan ng House Committee on Good Government and Public Accountability na nagsisiyasat sa OVP at Department of Education (DepEd) nang ito ay nasa ilalim pa ni Vice President Sara Duterte bunsod ng mga alegasyon ng maling pagamit ng confidential at intelligence funds.
Kabilang sa mga inilagay sa ILBO ay sina OVP Chief of Staff Zuleika Lopez, Assistant Chief of Staff and Bids and Awards Committee Chair Lemuel Ortonio, Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez, Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta, Chief Accountant Juleita Villadelrey, dating DepEd Assistant Secretary Sunshine Charry Fajarda at SDO Edward Fajarda.
Ilang beses inisnab ng mga nabangit ang summons ng House committee na humarap sila sa pagdinig.
Nilinaw naman ni Clavano na ang ILBO ay hindi isang paghihigpit sa kanilang karapatan na makabiyahe bagkus ay isa lamang monitoring mechanism para malaman kung lumabas sila ng bansa o pumasok na ng bansa.
Tanging ang hold departure orders (HDO) o precautionary HDO (PHDO) na iniisyu ng korte ang maaring makapigil sa isang indibidwal na umalis ng bansa. Teresa Tavares