MANILA, Philippines — Iginiit ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang special treatment ang ipagkakaloob sa mga high-profile na persons deprived of liberty (PDLs) na sangkot sa kaso ng “ghost” flood control projects.
Sa 2nd National Decongestion Summit sa Manila Hotel, sinabi ni BJMP spokesperson Supt. Jayrex Joseph Bustinera na si dating senador Ramon “Bong” Revilla at ang kanyang mga kasamang akusado ay ikukulong sa parehong pasilidad kung saan naroroon ang pangkalahatang populasyon ng mga preso. Ayon sa BJMP, si Revilla at ang kanyang mga co-accused sa Bulacan flood control project case ay ikukulong sa Quezon City Male Dormitory.
Kabilang sa mga co-accused ni Revilla ang dating mga opisyal ng Department of Public Works and Highways Bulacan First District Engineering Office na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at Juanito Mendoza.
Sinabi ni Bustinera na naglabas kamakailan ang BJMP ng video na nagpapakita ng mga pagpapaayos sa Quezon City jail upang ipakita na ang mga pasilidad ay “modern, humane,” at “makatao.”
Aniya, nag-utos si Interior Secretary Jonvic Remulla ng zero-tolerance policy laban sa VIP treatment, kung saan ang mga lalabag ay maaaring sampahan ng kaso o mapatalsik sa serbisyo. Maglalagay din ang BJMP ng mga camera para sa mga tauhang personal na nakikipag-ugnayan sa mga PDLs “to ensure transparency and accountability.”
“We trust that our workers are professional and they will follow the set rules,” ani Bustinera. RNT