Home NATIONWIDE Walang ‘whitewash’ sa CHR investigation sa strip search – BuCor

Walang ‘whitewash’ sa CHR investigation sa strip search – BuCor

MANILA, Philippines- Walang pagtatakip ang Bureau of Corrections (BuCor) sa imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa kontrobersyal na strip searches sa kaanak ng persons deprived of liberty (PDLs).

Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na sumailalim sila sa imbestigasyon upang patunayan na wala silang itinatago.

Una nang nagbabala ang grupong Karapatan na maaring magkaroon ng “whitewas”h sa isinasagawang imbestigasyon.

Ngunit pinayuhan ni Catapang ang naturang grupo na huwag nang makialam sa isyu at hayaan ang CHR na gawin ang trabaho nito.

Aniya, hinihintay na lamang ng pitong sangkot na corrections officers ang ipadadala sa kanilang subpoena mula sa CHR para makapagsumite ng sinumpaang salaysay.

Una nang nagsampa ng reklamo sa CHR sina Gloria Almonte at Maricel Alcántara, asawa ng dalawang PDLs. Sumailalim umano sila sa nakakahiya at “traumatic” na strip searches nang magtungo sila sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City noong April 11.

Ipinagtataka naman ni Catapang kung bakit ngayon lamang umano kinuwestiyon ng mga complainant ang strip search at cavity search gayung lumalabas ay 19 beses na itong dumaan sa strip search tuwing dumadalaw sa asawa na PDL na si Dionisio Almonte.

Si Maricel naman ay nakita sa rekord na 16 beses na bumisita sa asawa na si Philip Alcantara at pumipirma umano sa waiver. Teresa Tavares