MANILA, Philippines- Sa paggunita ng Department of Health (DOH) ng Road Safety Month, sinabi ni Health spokesperson Albert Domingo nitong Biyernes na 12,000 ang average na bilang ng mga Pilipinong namamatay kada taon dahil sa road accidents.
“Every year, on average, nasa mga 12,000… na Pilipino ang namamatay dahil sa banggaan, dahil sa pagtawid na nasasagasaan, at ang gumagamit ng motorsiklo, bisikleta, at pati ‘yung mga sumasakay sa tricycle,” pahayag ni Domingo sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing.
Sinabi ni Domingo na umakyat ang bilang ng nasawi sa road traffic deaths sa bansa mula 7,938 noong 2011 sa 11,096, 84% sa bilang na ito ay mga lalaki.
Samantala, ika-walo naman ang road traffic injuries sa pangunahing dahilan ng pagkamatay sa buong mundo.
“Ang DOH, ang pananaw niya is mag-improve, gumanda yung ating awareness, understanding, at yung attitude ng ating mga kababayan tungo sa road safety,” wika ng opisyal.
Pinayuhan din ng DOH spokesperson ang publiko na maglakad na lamang sa halip na sumakay kung malapit lamang ang kanilang destinasyon at mayroon naman umanong masisilungan.
Base kay Domingo, nilalayon ng DOH na mabawasan ang road traffic deaths ng 35% sa 2028 sa pamamagitan ng Philippine Road Safety Action Plan at ng Inter-Agency Technical Working group on active transport.
“Ang vision natin is actually a Philippine society with zero deaths on the road,” wika niya. RNT/SA