Home HOME BANNER STORY #WalangPasok sa Hunyo 17, Lunes para sa Eid’l Adha

#WalangPasok sa Hunyo 17, Lunes para sa Eid’l Adha

MANILA, Philippines- Idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Hunyo 17, araw ng Lunes, bilang regular holiday upang bigyang-daan ang paggunita sa Eid’l Adha, o Feast of Sacrifice.

Tinintahan Executive Secretary Lucas P. Bersamin noong Hunyo 4 ang Proclamation No. 579 na nagsaad na ang Eid’l Adha ay isa sa dalawang “greatest feasts” ng Islam.

Nakasaad pa rin sa proklamasyon na ang deklarasyon ng regular holiday sa Hunyo 17 ay bilang tugon sa rekomendasyon ng National Commission on Filipinos base sa 1445 Hijrah Islamic Lunar Calendar.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9848, ang ika-10 araw ng Zhul Hijja, ang ika-12 buwan ng Islamic Calendar, ay isang national holiday para sa paggunita ng Eid’l Adha, na mayroong ‘movable date.’

Sa ulat, ang Eid’l Adha o Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ay panahon ng pag-aalay, pagkakaisa at pagmamahalan, ipinagdiriwang ng mga kapatid na Muslim.

Sinabing ito ang pag-alala ng mga Muslim sa kahandaan ni Ibrahim na isakripisyo ang kaniyang anak na si Ishmael bilang pagsunod sa utos ni Allah.

Ang pagdiriwang ay hudyat din ng pagtatapos ng taunang Hajj o Islamic pilgrimage sa Mecca sa Saudi Arabia.

Bilang tradisyon ng Eid’l Adha, kinakatay ang mga halal na hayop tulad ng tupa, kambing, baka o camel.

Hahatiin ang hayop sa tatlo at pagbabahaginan. Isang bahagi ay para sa pamilya, isa para sa mga kaanak at kaibigan, at isa para sa mahihirap at nangangailangan. Kris Jose