MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na hindi pa nakatakdang i-deport ang wanted na Australian na si Gregor Johann Haas dahil nahaharap pa din ito sa mga kaso sa Pilipinas.
Ang naturang pahayag ay matapos mapaulat na gusto umano na Indonesia na makipagpalitan sa drug trafficker na Australyano sa naaresto at naibalik na sa bansa na si Guo Hua Ping, o mas kilala na si Alice Guo.
Ayon sa tagapagsalita ng BI na si Dana Sandoval, ang nasabing Australian ay nasangkot sa pagtatangkang ipuslit ang isang shipment ng floor ceramics na puno ng higit sa limang kilo ng methamphetamine sa Indonesia noong Disyembre 2023.
Noong Mayo, sinabi ng BI na si Haas ay nakakulong sa Bogo City, Cebu matapos maglabas ang Interpol ng red notice o isang international alert para sa kanya dahil sa reklamong kriminal na inihain ng mga awtoridad ng Indonesia.
Iniulat ng mga mamamahayag ng Indonesia na ang Manila at Jakarta ay nakikipag-usap para sa “swap” ni Guo kay Haas.
Gayunpaman, sinabi ni Sandoval na ang BI ay walang impormasyon sa iniulat na panukalang ipagpalit si Guo kay Haas.
Matatandaan na naaresto ng mga awtoridad ng Indonesia si Guo noong Miyerkules ng umaga sa isang hotel sa Jakarta.
Umalis si Guo sa Pilipinas noong Hulyo sa gitna ng mga pagsisiyasat sa umano’y kanyang kaugnayan sa mga iligal na offshore gaming operator ng Pilipinas. JAY Reyes