MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Pasay City police ang isang Vietnamese national na wanted dahil sa kasong frustrated homicide Biyernes ng gabi, Mayo 30.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang nadakip na suspek na si alyas Duc, 30, tinaguriang most wanted person (MWP) dahil sa kanyang kinasasangkutang kaso na frustrated homicide.
Base sa report na isinumite ni De Sesto kay Southern Police District (SPD) direcotr P/Brig. Gen. Joseph Arguelles, naganap ang pag-aresto kay alyas Duc bandang alas 6:20 ng gabi sa isang condominium unit sa Taguig City.
Sinabi ni De Sesto na ang pagdakip kay alyas Duc ay naisakatuparan bunsod sa isinilbing warrant of arrest sa kasong frustrated homicide na may Criminal Case No. R-PSY-25-01129-CR na inisyu noong Mayo 21, 2025 ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Ronald August L. Tan ng Branch 297.
Kaakibat ng warrant of arrest ang kautusan ng korte na pagkalooban ng piyansa na nagkakahalaga ng P72,000 ang akusado para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Kasalukuyang nasa kustodiya sa custodial facility ng Pasay City police ang suspek habnag naghihintay ng commitment order ng korte na nag-uutos ng kanyang paglipat ng kulungan sa Pasay City jail.
“I commend the relentless efforts of our personnel in tracking and apprehending a fugitive from justice. This operation serves as a strong reminder that no one is above the law—regardless of nationality, status, or background. Justice knows no borders, and we will not allow fugitives to find refuge within our jurisdiction”, ani naman ni Arguelles. James I. Catapusan