MANILA, Philippines- Sa ginawang koordinasyon ng mga operatiba ng Pasay City police at ng Police Regional Office 5 (PRO-5) ay nadakip ang Top 2 most wanted ng Camarines Sur Miyerkules ng tanghali sa lungsod, Abril 2.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito M. De Sesto ang nadakip na suspek na si alyas Jhun, 20, Top 2 most wanted person (MWP) sa lebel ng munisipalidad ng Garchitorena, Camarines Sur, na nahaharap sa kasong acts of lasciviousness na may kaugnayan sa Sec. 5(b) Article III ng R.A. 7610, sa ilalim ng Criminal Case No. 22-3734.
Inaresto si alyas Jhun ng pinagsanib na pwersa ng Pasay City police Warrant and Subpoena Section (WSS) na pinamunuan ni P/Capt. Roque Villaruel, Jr. at ni Garchitorena Municipal police station officer-in-charge P/Capt. NiƱo T. Luzon, CSPPO, PRO-5, bandang alas 12:10 ng tanghali sa Barangay 183, Villamor, Pasay City.
Sinabi ni De Sesto na ang pag-aresto sa suspek ay naisakatuparan sa bisa ng isinilbing warrant of arrest na inisyu noong Setyembre 21, 2022 ni 5th Judicial Region Regional Trial Court (RTC) Acting Presiding Judge Pablo Cabillan Formaran III ng Branch 63, Calabanga, Camarines Sur na may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa sa halagang P160,000.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng Pasay City police habang naghihintay ng commitment order na manggagaling sa korte na mag-uutos sa paglipat ng kanyang pagkukulungan sa Pasay City jail. James I. Catapusan