ITINAAS ng Pilipinas ang watawat nito sa Sandy Cay para igiit ang sovereign rights nito sa nasabing lugar.
Ito’y matapos na i-display ng Philippine Navy (PN), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine National Police (PNP)-Maritime Group ang watawat ng Pilipinas sa Sandy Cay sa isinagawang inter-agency maritime operation, araw ng Lunes, para kontrahin ang ipinahayag ng Tsina na kinamkam na nito ang lugar.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang hakbang ay alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “not to surrender even a small part of our country.”
“Pagpapakita ito na hindi kontrolado ng China Coast Guard ang Pag-asa Cay 2,” ang sinabi ni Castro.
“Muling iginigiit ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at mga katuwang na ahensiya ang kanilang paninindigan na ipaglaban ang karapatan ng bansa, protektahan ang karagatang sakop ng Pilipinas, at ipaglaban ang karapatan ng bansa na naaayon sa international law,” aniya pa rin.
Ang Sandy Cay, kilala rin bilang Pag-asa Cay 2, ay isa sa mga sandbars na matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Pag-asa Island sa Kalayaan Island Group of the Philippines.
Kamakailan, illegal na inokupahan ng Tsina ang Sandy Cay reef na inaangkin din ng ilang bansa tulad ng Vietnam, kahit sakop ito ng 200 nautical miles ng pag-aari ng Pilipinas sa WPS na itinuturing na “another spectacle orchestrated by Beijing.”
Tinatawag ng gobyerno ng Pilipinas ang Sandy Cay bilang Pag-asa Cay 2, habang ang China ay tinatawag itong Tiexian Jiao. Bahagi ito ng pinagtatalunang mababang pampang o bahura ng coral, rock, at sand na matatagpuan sa Spratly Islands malapit sa Pag-asa Island sa WPS.
Sa ulat ng China Global Times, sinasabing ang mga tauhan ng Chinese Coast Guard (CCG) ay nagpakita ng bandila ng China sa Sandy Cay at ipinatupad ang pamamahala sa dagat. Kris Jose