Home NATIONWIDE ‘Weak presentation’ claim ni VP Sara itinanggi ng prosekusyon: Ebidensya, nailatag na

‘Weak presentation’ claim ni VP Sara itinanggi ng prosekusyon: Ebidensya, nailatag na

1
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ng House prosecution team ang paratang ni Vice President Sara Duterte na “mahihina” ang kanilang mga ebidensya at presentasyon, kasabay ng pagigiit na sapat at matibay na ang mga dokumento at patotoo na kanilang nailatag sa impeachment court.

Mariing pinabulaanan nina House impeachment team adviser and spokesperson Robert Ace Barbers at Deputy Speaker Jefferson Khonghun ng Zambales ang mga akusasyon matapos tawagin ni Duterte na “fishing for evidence” ang ginagawa ng prosekusyon sa gitna ng paglilitis.

“Sa aming paniniwala sa prosecution panel ay nailatag namin ’yung mga nararapat na makitang ebidensya at marinig na ebidensya ng ating mga senator-judges,” ani Barbers.

“And there are still several witnesses and documentary evidence that we will present as the trial moves forward,” dagdag pa nito.

Sa isang inilabas na pahayag inakusahan ni Duterte ang prosekusyon na “fishing for evidence during the trial” at “desperately trying to turn something they wish to be true into a wild story of alleged wrongdoing.”

Aniya pa, ang mga insulto at “political theatrics” ay hindi maituturing na ebidensya, kundi patunay lamang umano ng pangangailangang magpakitang-gilas sa gitna ng “weak presentation.”

Gayunpaman, iginiit ni Barbers na naninindigan ang prosekusyon sa mga iniharap na ebidensya sa maling paggamit at iregularidad ng mga confidential funds.

“Pero sa ngayon, sinasabi natin, ang nakita na ebidensya, mga documentary evidence na ipinresenta ng prosecution panel, siguro sa paniniwala ng marami, lalo na sa paniniwala ng prosecution panel, ito ay matibay na mga ebidensya na aming inilalatag,” paliwanag ni Barbers.

Ayon naman kay Khonghun, malinaw na itinuturo ng mga testimonya ang direktang papel at pananagutan ni Duterte sa pamamahala at pamamahagi ng kontrobersyal na pondo.

“Malinaw sa inilatag ng prosecution, kasama ng mga witnesses, na talagang itinuturo ng ebidensya na ang mayroong kinalaman, lalo-lalo na sa pag-utos, sa pagsasagawa, at talagang ang puno’t dulo ng pagdi-disburse ng confidential fund ay ang Vice President,” ani Khonghun. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here