MANILA, Philippines – Nawala na ang label na “West Philippine Sea” sa Google Maps.
Sa pinakahuling pagsusuri, hindi na makita ang nasabing label pero kapag pina-zoom in ang lugar, makikita pa rin ang “Scarborough Shoal,” isang pook-pangingisda sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Noong nakaraang buwan, ginawang mas kapansin-pansin ng Google ang label ng West Philippine Sea, pati na rin ang Scarborough Shoal sa nasabing lugar.
Opisyal na pinangalanan ng Pilipinas ang mga dagat sa kanlurang bahagi ng kapuluan bilang West Philippine Sea noong 2012 sa pamamagitan ng isang administrative order na ipinalabas ng noo’y Pangulong Benigno Aquino III.
Kasama sa kautusan ang mga tubig sa paligid ng Kalayaan Island Group at Bajo De Masinloc (Scarborough Shoal). RNT