Home NATIONWIDE 18M Filipino high school grads mahina sa pag-intindi – PSA

18M Filipino high school grads mahina sa pag-intindi – PSA

Mahigit 18 milyong junior high school graduates sa Pilipinas ang itinuturing na functionally illiterate batay sa 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ibig sabihin, hindi sila marunong nang sapat sa pagbasa, pagsulat, pagkwenta, at pag-unawa. Dahil sa pagbabagong ginawa ng PSA sa kahulugan ng “functional literacy,” bumaba ang bilang ng literate mula 79 milyon sa 60 milyon.

Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Sherwin Gatchalian: “Paano sila nakapagtapos kung hindi sila functional literate? Hindi dapat ‘yan nangyayari.” Kinumpirma ito ni PSA Assistant National Statistician Adrian Cerezo, at idinagdag na 21% ng senior high school graduates ay hirap ding umintindi.

Ang Region IX ang may pinakamataas na bilang ng functional illiteracy, na pinangungunahan ng Tawi-Tawi kung saan 67% ng populasyon ay hindi functional literate. Sa basic literacy naman, kung saan sinusukat ang kakayahang bumasa at sumulat, nasa 5.8 milyon ang hindi pa rin marunong. Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang may pinakamataas na bilang.

“Mahihirapan tayong putulin ang siklo ng kahirapan kung hindi makaintindi ng simpleng kuwento ang mga tao,” ayon kay Gatchalian, na nanawagan sa mga lokal na pamahalaan na kumilos batay sa datos.

Sinabi ni Cerezo na napansin na ni DepEd Secretary Sonny Angara ang mga datos, habang inihayag naman ni Rosalina Villaneza ng DepEd na magkakaroon sila ng reading assessments at magtuturo ng mga reading teacher para tugunan ang problema. RNT