Nagpahayag si Vice President Sara Duterte ng kahilingan na magsampa ng kaso laban sa mga taong responsable sa pag-aresto sa kanyang ama, ang dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands.
Ang pahayag ni Duterte ay kasunod ng kahilingan ni Senador Imee Marcos para magsagawa ng imbestigasyon laban sa mga opisyal na kasangkot sa pag-aresto, kabilang na sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Interior Secretary Jonvic Remulla, PNP chief Police General Rommel Marbil, at CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III.
Iminungkahi rin ni Marcos ang isang imbestigasyon laban kay Ambassador Markus Lacanilao dahil sa umano’y pang-aagaw ng opisyal na tungkulin.
Ipinahayag ni Sara Duterte na nais nilang makita ang mga kasong isasampa, at sinabi, “Gusto naming makita na ma-file-an ng kaso ‘yung mga tao na may kasalanan sa kung anong nangyari sa pagdukot kay Pangulong Rodrigo Duterte.”
Idinagdag pa niya na kung sinasabi ng administrasyon na hindi ito isang political na hakbang, dapat sundan ito ng mga naaayong aksyon na legal.
Naaresto si Rodrigo Duterte noong Marso 11 ng mga lokal na awtoridad batay sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa mga kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa extrajudicial killings sa kanyang kampanya laban sa droga.
Ayon kay Marcos, ang pag-aresto ay lumabag sa mga karapatan ni Duterte, habang ipinaliwanag naman ng Palasyo na ito ay ayon sa batas sa ilalim ng international law. RNT