Home NATIONWIDE Memong nagpapatalsik kay Speaker Romualdez, fake news – Malakanyang

Memong nagpapatalsik kay Speaker Romualdez, fake news – Malakanyang

MANILA — Mariing itinanggi ng Malakanyang ang kumakalat na umano’y memorandum order na naglalayong paigtingin ang kampanya upang palakasin ang ratings ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang umano’y rekomendasyon sa pagpapatalsik kay House Speaker Martin Romualdez.

Sa isang press briefing, tinawag ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang dokumento bilang “fake news” at hinikayat ang publiko na huwag magpalinlang sa mga pekeng impormasyon.

“It’s a fake news. It’s fake, so huwag niyo na pagkaabalahan ‘yan,” ani Castro. “Huwag po tayong basta maniniwala sa mga fake documents… uso ngayon ang fake news.”

Kinumpirma rin ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang naturang dokumento, may petsang Abril 15, 2025 at may pirma diumano niya, ay isang peke. Tinawag niya ito bilang gawa ng mga taong may masasamang intensyon.

“The Office of the Executive Secretary categorically denies the authenticity of said memorandum,” ani Bersamin.

“Apparently the spurious memorandum is a blatant attempt to spread disinformation and to sow division in the ranks of the Administration candidates.”

“It should be dismissed as the handiwork of malicious minds.”

Ayon sa ulat, kumalat sa social media ang sinasabing “internal memorandum” na umano’y inilabas ng tanggapan ni Bersamin. Nilalaman nito ang mga detalye ng survey presentation at mga spekulasyon tungkol sa pagbabago sa liderato ng Mababang Kapulungan.

Dahil dito, nagbabala ang Malakanyang sa publiko na maging mapanuri sa mga dokumentong lumalabas online at iwasan ang pagkalat ng disinformation na naglalayong guluhin ang administrasyon. Kris Jose