Home NATIONWIDE Western Visayas pahihirapan ng super El Niño

Western Visayas pahihirapan ng super El Niño

3
0

ILOILO CITY — Pinaghahanda ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga residente ng Western Visayas sa posibleng epekto ng inaasahang napakalakas na El Niño na maaaring magdulot ng tagtuyot at dry spell sa halos buong Region 6.

Ayon kay PAGASA Iloilo weather specialist Engr. Ferdinand Rubin, halos lahat ng lalawigan sa rehiyon ay maaaring maapektuhan, bagama’t hindi pa kasama ang Capiz sa pinakahuling forecast.

“Expect talaga natin ang dry condition, dry spell, at drought. Almost entire Region VI, although sa latest forecast natin, ang Capiz is not included. But it is very likely na ma-include rin siya,” ani Rubin.

Nauna nang inihayag ng PAGASA na may 92 porsiyentong posibilidad na maranasan ang malakas na El Niño o Super El Niño kasabay ng habagat mula Hunyo hanggang Agosto 2026. Inaasahan namang mararating nito ang pinakamalakas na yugto sa pagitan ng Oktubre at Disyembre.

Sinabi rin ni Rubin na maaaring mas kaunti ang mabubuong bagyo ngayong taon ngunit posibleng mas malalakas ang mga ito.

“In terms of lakas, possible na typhoon or super typhoon category at dito siya maaaring tumama sa atin,” dagdag niya.

Naghahanda na rin ang ilang magsasaka sa rehiyon laban sa posibleng matinding tagtuyot. Ayon kay Mari Pelahiyao ng Leganes, Iloilo, nasira ang kanilang pananim nang tumama ang El Niño noong 2023.

“Wala talaga, ang mga palay natuyo talaga,” aniya.

Bilang paghahanda, sinabi ni Pelahiyao na nagpapagawa sila ng poso upang makatulong sa pagdidilig ng kanilang mga palayan sakaling lumala ang kakulangan sa tubig. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here