MANILA, Philippines- Isasailalim ang Luzon at Visayas grids sa yellow alert status ngayong Martes ng hapon, sa gitna ng forced outage o operasyon sa derated capacities ng ilang planta.
Sa abiso, sinabi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na isasailalim ang Luzon Grid sa yellow alert mula ala-1 hanggang alas-4 ng hapon at mula alas-7 hanggang alas-10 ng gabi ngayong Martes, Mayo 21, 2024.
Nangangahulugan ang yellow alert na kulang ang operating margin upang tugunan ang contingency requirement ng transmission grid.
Sinabi ng NGCP na ng Luzon grid ay mayroong available capacity na 14,687 megawatts, kumpara sa peak demand na 13,507 megawatts sa inaasahang matinding init na mararanasan sa bansa.
Gayundin, ilalagay ang Visayas Grid sa ilalim ng yellow alert mula alas-2 hanggang alas-4 ng hapon, at mula alas-6 hanggang alas-9 ng gabi ngayong Martes, na may available capacity na 2,933 megawatts kumpara sa peak demand na 2,614 megawatts. RNT/SA