
IPINAGKIBIT-BALIKAT na lang pala ni dating Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso ang walang patid na paninira at pagbabato sa kanya ng masasakit na salita simula pa nang maghain siya ng kanyang kandidatura.
Sabi ni Yorme, walang puknat ang natatanggap niyang mga masasakit na salita at paninira, hindi lang sa almusal, tanghalian, at hapunan, kundi siya pa rin pala ang pinupulutan, pero hindi na niya pinapatulan ito dahil hindi ganyan ang estilo nila ng kanyang ka-tandem na si Chie Atienza.
Naniniwala ang dating alkalde na matatalino ang mga taga-Maynila kaya sa halip na gayahin at magsalita rin sila ng masasakit na salita laban sa kampo ng kanyang makakatunggali, lumalapit sila sa tao at ipinaliliwanag kung ano ang kanyang mga nagawa sa maikling panahon ng kanyang panunungkulan at kung ano pa ang kanyang mga gagawin sakaling makabalik bilang Ama ng Lungsod ng Maynila.
May punto talaga rito ang dating alkalde dahil batid na ng mga botante ngayon na walang puwang sa kanila ang mga kandidatong puro paninira at pagbabato ng masakit na salita sa kanilang kalaban.
Dito kasi makikita kung mataas o mababa ang kumpyansa ng isang kandidato sa kanyang kandidatura kaya sinusukat at tinitimbang din kung dapat o hindi dapat na iboto ang mga kandidato na puro paninira at pagbato ng masasakit na salita sa katunggali.
Ang isa pa, parang nakakatulong din ang walang puknat na paninira, dahil alam naman natin ang ugali ng mga Pinoy, kung sino yung inaapi, inaalipusta, at sinisiraan, dun nila ibinibigay ang kanilang simpatiya.
Sa kaso ni Yorme Isko, kung binabanggit niya ang pagkikibit-balikat sa mga tinatanggap niyang masasakit na salita, mukhang epektibo nga dahil consistent pa rin ang pangunguna niya sa lahat ng survey na inilalabas ng mga kilala at prestihiyosong survey firm.
At kahit hindi sumasalag at tumutugon sa mga batikos at paninira, may gana pa ngang payuhan ng dating alkalde ang mga kandidato, lokal man o nasyonal, na ilahad na lang sa taumbayan ang kanilang nagawa kung sila ay incumbent, at kung ano ang kanilang gagawin, sakali at muling ihalal ng taumbayan.