MANILA, Philippines – Hiniling ni Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora sa Marcos administration ang karagdagang pondo para sa flood control matapos patunayang epektibo ang mga proyekto sa distrito sa gitna ng matinding pag-ulan dulot ng shear line na tumama sa malaking bahagi ng Mindanao kamakailan.
Ayon kay Zamora, malaki ang naitulong ng mga flood control project sa pagpigil sa pag-apaw ng tubig, partikular sa paligid ng Kalaw Bridge sa kahabaan ng Agusan River sa bayan ng Monkayo.
“We’re proud to say na yung ating mga flood control projects dito sa ating distrito ay nakatulong to control the flood,” ani Zamora.
Ikinumpara niya ang sitwasyon noon kung kailan isa hanggang dalawang araw lamang ng tuluy-tuloy na ulan ay agad nang nalulubog ang lugar na nasa paligid ng tulay, aniya, sa nagdaang malalakas na pag-ulan, hindi umapaw ang ilog sa nasabing bahagi.
“We can say na nagkaroon ng improvement,” giit ni Zamora.
Ipinaliwanag ng mambabatas na nagsisilbing catch basin ang Monkayo kung saan nagtatagpo ang rumaragasang tubig mula sa mga kabundukan, kaya inaasahan ang pagbaha tuwing may matinding pag-ulan.
Gayunman, nagbabala siya na may ilang flood control project pa ang hindi natatapos.
“So ang kinatatakutan namin ay kung sobrang lakas ng ulan at may hindi natapos na proyekto baka bibigay din. Kasi syempre may portion na dun dadaan ang tubig kasi may spaces pa na bakante,” paliwanag nito.
Apela ni Zamora na mapondohan pa ang ibang proyekto sa lalawigan.
Aminado ang mambabatas na maaaring maapektuhan ang ilang proyekto dahil sa kontrobersiya sa flood control spending, gayunpaman, hinikayat nito ang mga policymaker na tingnan ang sitwasyon sa bawat lugar.
“I hope makita nila yung situation namin dito na nakatulong talaga ‘yung flood control project namin, sana magkaroon ng objective assessment,” pahayag ni Zamora
Sa isang artikulo na “If Flood Control Isn’t a Ghost,” na lumabas sa Davao, tinukoy ang First District ng Davao de Oro na isa sa may mga matagumpay na flood mitigation structure kung saan may maayos na imprastrakturang gumagana at may konkretong resulta ang mga flood control projects.
Ang Davao de Oro ay isa sa mga lalawigan na “vulnerable” sa malalakas na pag-ulan dala ng terrain at river systems nito kaya naman madalas na nakararanas ng pagbaha at landslide.
Ngunit kung maayos ang flood control projects at naidisensyo ng tama ay nagiging tunay na proteksiyon ang mga ito laban sa kalamidad. Gail Mendoza