TOKYO, Japan — Isinusulong nina Senate Foreign Relations Committee Vice-Chairman Senator Erwin Tulfo at Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform Chairman Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa pamahalaan ng Japan ang pagtanggal ng taripa sa locally manufactured Heated Tobacco Products (HTPs), prutas, at iba pang produktong agrikultural ng Pilipinas upang higit pang mapalakas ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
Ipinanukala ito ni Tulfo sa isinagawang parliamentary visit ng mga senador ng Pilipinas sa Senado ng Japan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng Philippines-Japan Friendship.
“Sa paglitaw ng mga bagong produkto mula sa industriya ng tabako ng Pilipinas at sa patuloy na pagtaas ng demand para sa mga ito sa Japan, ating hinihiling sa pamahalaan ng Japan na pag-aralan at isaalang-alang ang ating panukalang alisin ang taripa sa mga HTP na gawa sa Pilipinas,” ani Tulfo.
Layunin ng panukalang zero tariff na higit pang palakasin ang Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA) na nilagdaan noong 2008 upang alisin o bawasan ang mga taripa sa mahigit 90 porsiyento ng mga produktong ipinagpapalitan ng dalawang bansa.
Dahil hindi pa kabilang sa mga produktong pinag-usapan noong negosasyon para sa kasunduang pangkalakalan noong 2008 ang HTPs at iba pang produktong agrikultural, hinimok ni Tulfo ang pamahalaan ng Japan na magpatupad ng zero tariff sa mga HTP na gawa sa Pilipinas upang magkaroon ng patas na kompetisyon ang mga ito laban sa mga kahalintulad na produkto mula sa European Union.
“Hindi lamang nito matitiyak ang tuloy-tuloy na suplay sa ating mga karatig-bansa sa Asya, kundi mapapalakas din nito ang mga industriya ng manufacturing, agrikultura, at export ng Pilipinas, na sa huli ay magpapasigla sa ekonomiya ng bansa at lilikha ng mas maraming trabaho,” diin ng senador.
Kasalukuyang nasa Japan si Tulfo bilang bahagi ng delegasyon ng Senado ng Pilipinas na nagsasagawa ng parliamentary visit sa Senado ng Japan. Kabilang din sa delegasyon sina Senate President Sherwin Gatchalian, Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri, at Senators Manuel “Lito” Lapid, Raffy Tulfo, Joseph Victor “JV” Ejercito, at Francis “Kiko” Pangilinan.
Sa unang araw ng opisyal na pagbisita, nagsagawa ang delegasyon ng mahahalagang pagpupulong, kabilang ang courtesy visits kay Prime Minister Takaichi Sanae, dating Japanese Prime Minister Kishida Fumio, Japanese Senate President Sekiguchi Masakazu, at iba pang senador ng Japan, gayundin kay House of Representatives Speaker Mori Eisuke.
Bahagi rin ng opisyal na pagbisita ang mga pagpupulong sa Sasakawa Peace Foundation, kung saan ipinahayag ni Tulfo ang kanyang pasasalamat sa patuloy nitong suporta sa Pilipinas, lalo na tuwing may mga kalamidad; sa Japan-ASEAN Inter-Parliamentary Exchange Group; sa Japan International Cooperation Agency; at sa Japan-Philippines Parliamentary Friendship League.
Bago ang opisiyal na pagbisitang ito sa Japan, nauna nang pumunta ang mga senador mula sa Japan, sa pangunguna ni Japanese Senate Vice President Fukuyama Tetsuro, sa Philippine Senate sa Pasay City noong Setyembre 16, 2026. Ernie Reyes